29 indibidwal, nasawi dahil sa pagkalunod sa gitna ng Semana Santa 2024

29 indibidwal, nasawi dahil sa pagkalunod sa gitna ng Semana Santa 2024

ITINUTURING na generally peaceful ng Philippine National Police (PNP) ang naging paggunita ng maraming Pilipino nitong nagdaang Semana Santa.

Sa panayam ng media kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, bunga ito ng sunud-sunod na pagbabantay ng PNP buhat noong Marso 25 hanggang Marso 31, 2024.

“Magmula nung nag-start tayo ng ating Holy Week monitoring noong March 25 hanggang kaninang 6 a.m. ay so far naging mapayapa naman pangkalahatan itong Holy Week observance natin. Bagamat may mga naitala tayong mga Holy Week related incidents,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Umaabot sa 29 ang bilang ng mga inibidwal na nasawi dahil sa pagkalunod.

Batay sa huling datos ng PNP nitong Linggo kung saan nakapagtala sila ng kabuuang 34 na insidente ng pagkalunod.

Karamihan sa naiulat na nasawi ay sa CALABARZON na may 10, Ilocos Region at Cagayan Valley na may tig-anim at lima naman sa Bicol Region.

Karamihan sa mga nasawi ay mga bata na nasa edad apat, lima at anim habang ang pinakamatanda ay 78-anyos.

Tatlo naman ang patuloy na pinaghahanap o nawawala; isa sa Rosales, Pangasinan; isa sa Jones, Isabela; at isa pa sa Tumauini, Isabela.

Summer vacation ng mga estudyante, pinaghahandaan na rin ng PNP

Matapos naman ang Holy Week, sunod namang pagaganahin ng PNP sa ngayon ay ang Oplan SumVac o summer vacation para tutukan ang mga tourist destination sa bansa.

Sa mga panahon ito ayon sa PNP, madalas ang mga tao ay nagtutungo sa mga kilalang tourist spot sa bansa gaya ng mga lalawigang malapit sa mga dalampasigan tulad ng Aurora, La Union, Siargao, at iba pa.

Gayundin ang mga lugar na malalamig gaya ng Baguio, Tagaytay, at Quezon.

“In fact, effective April 1 ‘yan rin ‘yung Oplan Summer Vacation. So tuluy-tuloy na itong pagbabantay natin na sisiguraduhin natin na may sapat tayong bilang ng mga personnel na magbabantay particularly diyan sa mga tourist spots and destinations to make sure na readily available ‘yung mga pulis natin in case merong security and other public safety concerns,” ani Fajardo.

Mt. Province, nakapagtala ng zero-drowning incident

Sa Mt. Province na bahagi ng Cordillera Region, ipinagmamalaki ng Provincial Police Office nito ang malinis na rekord nito laban sa kriminalidad sa katatapos lang na Holy Week. at sa pagbubukas ng bakasyon, muling tiniyak ng PNP ang kanilang maigting na monitoring lalo na sa places of convergence para sa seguridad ng publiko.

Aabot naman sa mahigit 52,000 police personnel ang naka-deploy sa buong bansa para sa Lenten security hanggang sa nagpapatuloy na bakasyon ng publiko.

Paalala ng pulisya lalo na sa Cordillera Region, agad na isumbong sa kanilang nakahimpil na police assistance desk para agad marespondehan ang reklamo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble