LUBOS ang pasasalamat na ipinaabot ni Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gen. Gregorio Catapang Jr. sa Korte Suprema dahil sa walang sawang suporta na ibinibigay sa mga persons deprived of liberty (PDL).
Ito’y makaraang naging matagumpay ang idinaos na art exhibit and sale na pinamagatang “Mga Pinta ng Pag-asa, mula sa Puso ng mga PDL” na itinampok ang mga artwork ng mga bilanggo sa Maximum Security Compound, School of Fine Arts, Education and Training Section, Medium Security Compound, at maging sa Work and Livelihood Section ng Medium Security Compound sa New Bilibid Prison (NBP).
Bukod kay Chief Justice Alexander Gesmundo, pinasalamatan din ni Catapang si Associate Justice Jose Midas Marquez na personal na pinangunahan ang naturang proyekto at pumili ng mga art pieces na isinali sa exhibit.
Kaugnay rito, pormal nang nai-turned over ng Korte Suprema sa mga PDLs ang kabuuang halaga na kinita o pinagbentahan ng 100 mula sa 116 paintings sa exhibit na idinaos sa Supreme Court simula Pebrero 13, 2024 hanggang Pebrero 16, 2024.
Ipinaliwanag ni Catapang na napakalaking bagay ito para sa mga PDL dahil ang perang pinagbilhan ng kanilang paintings ay makatutulong nang malaki sa kani-kanilang pamilya at ang ginagawa umano ng mga bilanggo ay nakatutulong para maihayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpipinta at ito aniya ay bahagi ng Kanilang pagbabagong buhay.