POSIBLENG magkakaroon ng music comeback ang 2nd generation group na B.A.P matapos nag-release ang MA Entertainment ng isang teaser documentary video nila noong Hunyo 12.
Sa video ay maririnig ang pahayag ng mga miyembro na nagkakasama-sama na sila muli at sa dulo pa nga ay sinabi nila na “we’ll see you soon” para sa kanilang fans.
Kung matutuloy man ang comeback ay ito na ang kanilang muling pagbabalik sa music industry bilang grupo matapos ang release ng kanilang Japanese studio album noong Marso 2018.
Ang B.A.P na ang ibig sabihin ay Best. Absolute. Perfect ay nag-debut noong 2012 at binubuo nina Jong Up, Dae Hyun, Young Jae, Yong Guk, Himchan, at Zelo.
Iyon nga lang ang makikita lang sa teaser video ay si Jong Up, Daehyun, Youngjae, at Yong Guk.
Si Zelo ay kasalukuyang nasa mandatory military service habang si Himchan ay may sexual offense case.
Sikat ang B.A.P sa mga kanta tulad ng “No Mercy”, “One Shot”, “Warrior”, at “Power”.