3 artista ng VIVAMAX, posibleng makulong bago ang Pasko—KSMBPI

3 artista ng VIVAMAX, posibleng makulong bago ang Pasko—KSMBPI

HUMARAP sa opisina ni Pasay City Chief Prosecutor Elmer Rillo ang tatlong VIVAMAX stars na sina AJ Raval, Ayana Misola, at Azi Acosta, hapon ng Miyerkules.

Ito ay upang personal na ihain ang kani-kanilang counter affidavit kasunod sa kasong Obscene Publication in Relation to Cybercrime na isinampa ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas Incorporated (KSMBPI) dahil sa malalaswang videos nila online.

Sa counter affidavit ng tatlong VIVAMAX stars, itinanggi nila na sila ang may kontrol sa kanilang verified Facebook accounts na nag-uupload ng mga videos.

Parte umano ng freedom of press, freedom of expression at expression of arts ang kanilang mga imahe o videos na lantarang nakikita sa social media.

Pero, iginiit ni Attorney Mark Tolentino, legal counsel ng KSMBPI, maaari namang maglahad ng kanilang freedom of press o expression of arts sa social media pero hindi sa malaswang paraan.

“Message ng mga content creator na hindi absolute ang influence ng mga content creator, hindi absolute ‘yung pag-post ng mga malalaswa, okay lang sana kung ikaw lang makapanood but kung makita ng ibang tao, lalo na ang kabataan,” pahayag ni Atty. Mark Tolentino, Legal Counsel, KSMBPI.

Punto pa ni Tolentino, hindi maituturing na halimbawa ang kanilang mga ginagawa sa social media na maaaring maglason sa isip ng mga kabataan.

Submitted for resolution na ang naturang kaso at maaaring ilabas na ang warrant of arrest sa tatlo bago ang Kapaskuhan.

“We are very optimistic na ‘yung kaso ay aakyat sa court bago ang Pasko so ibig sabihin posibleng maisyuhan sila ng warrant of arrest bago ang Pasko. That’s why ang message natin that Santa is coming to town baka maging posible ‘yan,” dagdag ni Atty. Tolentino

Sinabi pa ng legal counsel ng KSMBPI, maging aral ito sa mga nasa entertainment industry na maging wasto sa kanilang mga ginagawang content.

“May watch dog sa social media ng Pilipinas, may watch dog sa cyber space ng Pilipinas. Ang Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas will be the watch dog. Of course ang gagawin po natin itong mga VIVAMax ladies ay sample lamang ito but of course hindi natin kaya na idemanda lahat. Sinampolan ito dahil the more influencers you are, the more popular you are, the more influencial you are, of course unahin natin sila dahil dapat sila ang maging model ng kabataan lalo na sila ang popular sila ang celebrity so ‘yun ang ginagawa natin,” diin ni Tolentino.

Sinubukan ng SMNI News na makuhanan ang panig ng tatlong VIVAMAX stars ngunit hindi ito nagpaunlak ng panayam.

Follow SMNI NEWS on Twitter