NAKATAKDANG magtapos ngayong araw ang 3-day training na inorganisa ng Department of Justice (DOJ) na nilahukan ng 120 personnel mula sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) at tinawag na Training and Education Program for Law Enforcement Officers.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na ito ang first batch ng PNP at PCG na naglalayong palakasin ang partnership ng mga prosecutors at law enforcers upang makamit ang mga layunin na mapagtagumpayan ang mga mabibigat na kaso at pagtatatag ng isang makatwirang paghatol sa mga kaso.
Ang naturang training ay batay sa Department Circular No. 20 series of 2023 na nagpapatibay ng patakaran sa pro-active involvement ng mga prosecutor sa case-build-up, kung saan maaari silang mangailangan, tumulong o kung hindi man ay makipagtulungan sa mga nagrereklamo at law enforcement agencies.
Iginiit ng DOJ na ang pag-uusig at pagpapatupad ng batas ay ang pundasyon ng ating sistema sa hustisya, kaya nararapat lamang na patatagin ang partnership, at pagtataguyod ng panuntunan ng batas.