NAHULOG sa kamay ng mga tauhan ng PNP-CIDG ang tatlong Vietnamese na doktor kasunod ng isinagawang raid sa mismong klinika nilang Laviah Beauty Lounge sa Imus, Cavite.
Kinilala ang mga inaresto na sina Dr. Julie Nguyen, Dr. Luna Pham, at Dr. Ryan Truong, na pawang mga may-ari ng naturang beauty clinic.
Ang tatlong dayuhan ay nahaharap sa paglabag sa RA 2382 (The Medical Act of 1959) dahil sa pagsasagawa ng operasyon nang walang kaukulang lisensiya o permit.
Mula sa nasabing operasyon, tumambad sa mga awtoridad ang kahon-kahong medical cosmetic products o mga pampaganda para sa enhancement procedures ng kanilang mga kliyente.
Kabilang sa mga isinasagawa nilang serbisyo ang hair regrowth, body sculpture, bio-stimulation collagen, derma services, at marami pang iba.
Nagbabala ang mga awtoridad na isang malaking banta sa seguridad at kalusugan ng publiko ang paglabag sa Medical Act ng Pilipinas.
Nasa kustodiya na ng CIDG Provincial Field Unit 4A ang mga suspek.