NAARESTO ang tatlong miyembro ng notoryus na motornapping group sa isang hot pursuit operation na isinagawa ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa pakikipag-ugnayan sa Calumpit MPS, nitong Linggo ng madaling araw, Nobyembre 17.
Ito ay batay sa report ng mga biktima na isang 43 taong gulang na negosyante na natangayan ng isang Honda ADV motorsiklo at isang 20 anyos na binata na nakuhanan naman ng isang Honda Click na motorsiklo.
Nang isagawa ang hot pursuit operation ng kapulisan, nagresulta ito sa pagkakaaresto ng mga suspek na sina: alyas “Kier,” alyas “Joross,” at alyas “Dave,” habang sakay ng isang itim na Aerox motorcycle na may plate number 513QQW at isang itim na Rusi motorcycle na walang plaka.
Nahaharap sa mga kasong kriminal para sa paglabag sa Republic Act No. 10883 (Anti-Carnapping Act of 2016) ang mga suspek.
Agad na tiniyak ni PBGen. Redrico Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3 na ang kapulisan aniya ay laging handang rumesponde sa anumang banta sa seguridad kasabay ng babala sa mga kriminal na hindi ligtas ang mga ito sa kamay ng batas.