Dagdag na security police posts, ipinakalat sa buong Gitnang Luzon

Dagdag na security police posts, ipinakalat sa buong Gitnang Luzon

PRAYORIDAD ngayon ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang mapaigting pa ang presensiya ng kapulisan sa buong rehiyon sa ilalim ng anti-criminality formula na Enhanced Police Presence + Quick Response Time + Counter Action against Drug groups, Criminal gangs at Private Armed groups = Safe Region 3.

Ipinag-utos ni PBGen. Redrico Maranan ang paglalagay ng mga police outposts sa mga matataong lugar at mga hi-ways na kalimitang dinaraan ng mga tao upang mas mabilis na masugpo ang ibat ibang uri ng kriminalidad sa mga komunidad nito.

Layon din nito ang agarang pagresponde at pagtugon ng mga pulis sa iba’t ibang pangangailangan ng mga mamamayan sa mga insidenteng kinakailangan ng agarang tulong ng kapulisan.

Kaugnay nito, inatasan din ng heneral ang lahat ng Provincial, City at Municipal Police Stations na palakasin pa ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad gaya ng Oplan Galugad, Oplan Sita, gayundin ang kanilang Motorcycle Patrols lalung-lalo na ang pagsasagawa ng mga checkpoint operations upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga kawatan na maisakatuparan nila ang kanilang mga ilegal na gawain.

“Kung malakas ang presensya ng pulisya sa mga pampublikong lugar, nakatitiyak ang mga komunidad na sila’y ligtas. Kung kaya naman patuloy kong hinihimok ang ating publiko na suportahan ang kapulisan sa aming mga programa at gawain kontra-kriminalidad. Hindi namin ito mapagtatagumpayang mag-isa at kailangan namin ang suporta ng lahat,” pahayag ni PBGen. Redrico Maranan.

Follow SMNI NEWS on Twitter