3 patay matapos ang pagsabog sa isang riles ng tren sa Southern Thailand

3 patay matapos ang pagsabog sa isang riles ng tren sa Southern Thailand

TATLONG maintenance worker ang nasawi sa pagsabog ng bomba kaninang umaga sa isang riles sa Songkhla Province, Southern Thailand.

Parte ng maintenance team ang mga biktima na kasalukuyang nagkukumpuni ng mga sirang riles dulot ng naganap na pagsabog noong nakaraang linggo.

Kung matatandaan, 12:50 ng hapon noong Sabado, ang freight train 707 mula Hat Yai sa Songkhla patungong Padang Besar sa Malaysia ay bumaliktad sa Tha Pho Subdistrict sa distrito ng Sadao matapos sumabog ang isang bomba mula sa riles.

Napinsala ng pagsabog ang 11 sa 20 karwahe ng tren. Wala namang nasaktan sa insidente.

Ang byahe ng tren sa pagitan ng Thailand at Malaysia ay sinuspinde pagkatapos ng pagsabog upang payagan ang State Railway of Thailand (SRT) na mag-imbestiga, na nagdulot ng malaking pagkagambala.

Ngayong araw, isa pang bomba ang sumabog hindi kalayuan sa kung saan nadiskaril ang naturang tren, na ikinamatay ng tatlong maintenance worker at ikinasugat ng apat pa.

Hindi pa pinangalanan ng pulisya ang nasawi. Sinabi ng pulisya na magbibigay sila ng karagdagang impormasyon pagkatapos magsagawa ng imbestigasyon.

Tuluyan nang isinara ang lugar para magbigay-daan sa imbestigasyon.

Isang grupo naman mula sa Hat Yai Maintenance Unit ang idineploy para magbigay-daan sa pagkukumpuni.

Follow SMNI NEWS in Twitter