NAPADPAD sa Cambodia ang tatlong Pilipino, matapos maakit sa alok ng trabahong may mataas na sahod pero sa halip, napunta sila sa kamay ng mga sindikatong gumagamit ng dahas para sa ilegal na online scams. Sa kabila ng matinding pagsubok, nakahanap sila ng paraan para makatakas.
“Kami po ‘yung tatlong binubog sa Cambodia na hanggang ngayon nandito pa rin kami. Sana matulungan nyo po kami makauwi ng Pinas nang safe,” paghingi ng tulong ng tatlong biktima ng online scam sa pamamagitan ng video message.
Marso 11, 2025, isang video message at ilang larawan ang natanggap ng NBI mula sa tatlong Pilipino na nasa Cambodia. Dito, mapapanood na humihingi ng tulong kay NBI Director Jaime Santiago ang mga biktima.
Makikita naman sa mga larawan ang pasa sa kanilang katawan bunga ng pambubugbog ng kanilang mga employer.
Ayon kay Santiago, base sa salaysay ng mga biktima, noong Enero 2025, nakita nila sa online ang isang post na nag-aalok ng trabaho bilang customer service representative sa Cambodia na may suweldo na 1000USD. Nakipag-ugnayan sa kanila ang isang Pilipinong HR na nagtatrabaho sa isang casino company sa Cambodia at sinabing sasagutin ng kompanya ang lahat ng gastos patungong Cambodia. Noong Enero 7, 2025, umalis ang mga biktima sa Pilipinas nang hindi dumaan sa tamang proseso.
Sumakay sila ng eroplano patungong Dipolog City. Pagdating sa Dipolog City, sumakay sila ng barko patungong Basilan, at mula Basilan patungong Tawi-Tawi. Sa Tawi-Tawi, sumakay ang mga biktima ng maliliit na bangka na hindi dapat lumampas sa 3 tao. Dinala sila sa dagat at nang dumating ang gabi, lumipat sila sa isang bangkang pangisda hanggang sa makarating sila sa Sabah, Malaysia.
Mula Malaysia, lumipat sila mula sa isang lugar patungo sa isa pang lugar hanggang sa makarating sa Phnom Penh, Cambodia. Dumating ang mga biktima sa Cambodia noong Enero 17, 2025, kung saan sila nanatili sa isang compound na may ilang gusali at hindi pinapayagang lumabas.
Dinala sa bundok ang tatlo at doon sila nakaranas ng pambubugbog.
“Itong mga ‘to, kasama ng mga Pilipino, nagbalak nang lumipat ng kumpanya dahil hindi natupad ang usapan. Nalaman ng mga Chinese bosses ang plano nila na lumipat sa ibang company, inilabas sila in the middle of the night, ang iba sa kanila 3 days na hindi pinakain, hindi pinainom at ikinulong at ang 2 ang binugbog ng 15 Chinese individuals habang ang iba ay pinapanood kung paano sila saktan,” pagsasalaysay ni Atty. Yenti Malicad, Executive Assistant for Special Concerns, Office of the Director, NBI.
Nakatakas ang tatlo at nakahingi ng tulong sa highway.
Noong Marso 16, 2025, sa tulong ng NBI, nakauwi ang mga biktima. Ayon kay Santiago, may 40 Pilipino pa sa kompanya na kasama ng 3 biktima ang kailangan pang saklolohin sa Cambodia.
“Ngayon ay busy pa kaming makipag-coordinate again sa Interpol natin sa Cambodia authorities para ma-raid ‘yung ..POGO ‘doon sa Cambodia naman, alam nyo ‘yung iba dito lumipat, dahil wala na tayong POGO dito, bawal na dito, lumipat doon but then hindi sila ‘yung POGO na gamer, scammer sila,” pahayag naman Judge Jaime Santiago, Retired Director, NBI.
Sa ngayon, tumanggap na ang mga biktima ng medical assistance at proper counselling. Ito naman ang mga paalala ni Santiago sa mga nangangarap mag-abroad para kumita ng malaki.
“Sa ating mga kababayan, ‘wag po kayong maakit sa malaking offer, sa kanila 1000USD a month. Maniwala lang kayo sa accredited recruitment agencies, you can check it out SCE, sa ating labor, DOLE, para malaman natin na sila ay tamang nagre-recruit. ‘Wag tayong magpaloko, magpadala sa kanila, mapapahamak lang tayo sa ibang bansa,” ayon pa kay Santiago.
Ang pangakong magandang oportunidad sa ibang bansa ay maaaring magdala ng matinding peligro kung hindi dadaan sa tamang proseso. Sa kabila ng matinding pagsubok, nakauwi nang ligtas ang tatlong Pilipino—isang patunay na may mga ahensiyang handang rumesponde para sa kanilang kaligtasan.
Habang nagpapatuloy ang koordinasyon para mailigtas ang iba pang mga Pilipino sa Cambodia, nananatiling mahalaga ang pagiging mapanuri at maingat sa anumang trabahong inaalok online.
Follow SMNI News on Rumble