3 Pinoy sa Taiwan, bahagyang nasugatan sa 7.2 magnitude earthquake—DMW, MECO

3 Pinoy sa Taiwan, bahagyang nasugatan sa 7.2 magnitude earthquake—DMW, MECO

MAAYOS na ang lagay ng dalawa sa tatlong Pinoy na nagtamo ng minor injuries matapos yanigin ng 7.2 magnitude earthquake ang Taiwan.

Ayon kay Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, nakalabas na ng ospital ang mga nabanggit na Pilipino.

Nilinaw ni Cacdac na ang ikatlong Pilipino na naapektuhan ng lindol ay nahimatay o nawalan lang ng malay dahil na rin sa matinding stress na dulot ng naturang pagyanig. Pero sa kabila nito, nananatili pa rin ito sa ospital para sa medical precautionary measures.

Aniya, naabutan na rin ng tulong ang mga Pilipinong nagtamo ng minor injuries.

Sinabi rin ni Cacdac na hindi bababa sa P30-K ang tulong-pinansiyal na matatanggap ng bawat Pilipinong apektado ng lindol.

Samantala, sinabi naman ni MECO Chairman Silvestre Bello III, na nasa 1,400 ang bilang ng mga Pilipino ang nasa Hualien City na siyang epicenter ng naganap na lindol sa Taiwan.

Aniya, 50% na mga Pilipino doon ay nagtra-trabaho bilang factory workers habang 35% sa kanila ay caretakers o household service workers.

Sinabi naman ni Bello na bukas din ang tanggapan ng MECO para sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong sa Taiwan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble