3 pulis, 2 sundalo at 15 indibidwal sangkot sa ilegal na pagpapaputok ng baril

3 pulis, 2 sundalo at 15 indibidwal sangkot sa ilegal na pagpapaputok ng baril

BAGONG taon na, ngunit hindi na bago sa mga Pilipino ang kaso ng ilegal na pagpapaputok na taon-taon na mayroong biktima.

Ngayong araw, Enero 2, 2024 nakapagtala ang Pambansang Pulisya ng 20 kaso ng illegal discharge of firearms.

Kaya patuloy ang ginagawang imbestigasyon at pangangalap ng impormasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga naitalang kaso ng ilegal na pagpapaputok ng baril kasunod ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ang kinumpirma ni PNP-PIO chief PCol. Jean Fajardo sa media araw ng Martes.

“Ongoing po ‘yung investigation, just like I’ve said earlier, magsasagawa po tayo ng processing ng crime scene, interbyuhin po natin ang mga biktima possibly saan po ba galing o kung may kakilala siya na may maaring may baril at kung saan ang pinanggalingan po ng pagpapaputok,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, PIO Chief, PNP.

Aniya, sa 20 kaso ng illegal discharge of firearms, tatlo ay mga pulis, dalawa naman rito ay galing sa Armed Forces of the Philippines (AFP), 12 sibilyan,  isang barangay kagawad sa Aklan at dalawang hindi pa nakikilala.

Sa nasabing bilang din ng ilegal na pagpuputok ng baril, pito rito ang sugatan.

Ayon sa opisyal, lahat ng ito ay nasampahan na ng kaukulang kaso maliban lang sa dalawang hindi pa alam ang pakakakilanlan.

“Ito pong PNP members, AFP members, ‘yung dalawang sibilyan at ‘yung kagawad po ay nasampahan na po ng kaso at ‘yung iba pa ay nakakulong pa,” dagdag ni Fajardo.

Gayunpaman, sinabi ng tagapagsalita ng PNP na ang nasabing bilang ng insidente ay mas mababa kung ikukumpara noong mga nagdaang taon.

Kasunod nito, nakapagtala rin ang PNP ng 13 insidente ng stray bullets o tinamaan ng ligaw na bala.

Mahigit P4-M na halaga ng ilegal na paputok, nakumpiska ng PNP

Samantala, patungkol naman sa firecracker related incident, nakapagtala ang PNP ng 2 kumpirmadong nasawi.

Isa rito ay sa Region 1 at ng isa naman ay sa Region 5.

“As to the incident, firecrackers injuries po base po sa talaan ng PNP ay meron po tayong dalawang confirmed dead ‘yan po ‘yung sa Region 1 kung saan may isang namatay po diyan noong Dec 25…”

“Sinindihan po ng biktima ang wistle bomb at sumabog po ito,” ani Fajardo.

Habang nakapagtala rin ang PNP ng  dalawang kaso ng sunog.

“And then 2 cases po ng fire incidents, ito po ‘yung sa Marikina…” aniya.

Kaugnay rito, sa kabuuan ay umabot sa mahigit 200-K ilegal na paputok ang nakumpiska ng PNP na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit P4-M.

Sa naturang bilang ng mga nakumpiskang ilegal na paputok sinabi ni Fajardo na maituturing na tagumpay ang kanilang ipinatupad na mga hakbang laban sa ipinagbabawal na paputok kung ikukumpara umano noong taong 2022 na kung saan nasa mahigit P2-M na halaga lang na ilegal na paputok ang kanilang nakumpiska.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter