INAASAHAN ng Philipine National Police (PNP) na nasa 30,000 na katao ang dadalo para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na gaganapin ngayong araw sa National Museum of the Philippines.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, inaasahan na mapupuno ang lugar ng nasa 25,000-30,000 na katao na papasok sa Intramuros Golf Course na siyang binuksan para sa mga sibilyan na dadalo at masaksihan ang inagurasyon.
Pinaalalahanan din ni Fajardo ang mga sibilyang dadalo na iwasan ang pagdadala ng backpacks, non-transparent water containers, matatalim na bagay gaya ng kutsilyo at blade, at iba pang bagay na maaaring sumabog.
Nauna na ring sinabi ng PNP na maglalagay ito ng security protocol points upang malimitahan ang mga makapapasok sa loob ng National Museum.