IBINAHAGI nitong Linggo, Hunyo a-otso, ng Philippine Army sa kanilang opisyal na Facebook page ang matagumpay na pagtatapos ng 307 bagong opisyal mula sa Officer Candidate Course “Nagdilaab” Class 62-2025.
Ginanap ang graduation ceremony nito lang Hunyo 6 sa Makabulos Grandstand, Camp O’Donnell, Capas, Tarlac.
Panauhing pandangal sa seremonya si Department of National Defense Undersecretary Irineo Espino, na nagbigay-diin sa kahandaan ng mga bagong opisyal sa harap ng makabagong hamon sa seguridad ng bansa. Ayon kay Espino, ang kasalukuyang panahon ay hinuhubog ng tradisyonal at umuusbong na banta gaya ng internal conflicts, external incursions, cyberattacks, disinformation, at climate-related disasters.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Espino na ang mga opisyal ng Class Nagdilaab ay inaasahang magiging future defenders ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, isang estratehiya para sa kabuuang depensa ng bansa sa lupa, dagat, himpapawid, kalawakan, at cyberspace.
Aniya, hindi na lamang sila mga “sundalo ng kalupaan” kundi bahagi ng mas malawak na joint at whole-of-nation approach sa pagtatanggol sa bansa. Kabilang sa kanyang mensahe ang paalala sa kahalagahan ng propesyonalismo, integridad, at dedikasyon sa serbisyo bilang mga bagong lider ng hukbong sandatahan.
Samantala, pinuri naman ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido ang Class Nagdilaab sa matagumpay na pagtatapos sa pinaigting na officer training program na nakatuon sa kahusayan sa pamumuno. Ayon sa kanya, ang kanilang tagumpay ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Philippine Army na paunlarin ang mga susunod na lider para makaagapay sa mga hamon ng hinaharap.
Ang pagtatapos ng Officer Candidate Course Class 62-2025 ay bahagi ng pangmatagalang inisyatibo ng Philippine Army na tiyaking ang bawat opisyal ay handa, may mataas na kakayahan, at may sapat na pananaw para magsilbi sa bayan sa gitna ng pabago-bagong kalagayang panseguridad.