ARESTADO ang 31 anyos na lalaking suspek sa isang alarms and scandals at illegal possession of firearms ng Quezon City Police District (QCPD) ng Novaliches Police Station (PS 4) kahapon sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Ian Carlo Jacob, 31, ng lungsod ng Quezon.
Lumalabas sa imbestigasyon na 1:00 ng madaling araw ng nitong Hunyo 4, 2024, nakatanggap ng tawag ang mga operatiba ng QCPD PS 4 mula sa isang concerned citizen na isang lalaking lasing umano ang nanggugulo habang may hawak na sumpak.
Pagdating, nakita ng mga operatiba ng PS 4 ang suspek na nagdudulot ng gulo at pananakot sa sinuman habang armado ng improvised shotgun. Ito ang nagtulak sa mga operatiba na arestuhin ang suspek at kumpiskahin ang nasabing baril.
Narekober mula sa suspek ang isang set ng tubular metal, na kilala bilang isang improvised shotgun na “sumpak”, kasama ang dalawang piraso ng 12-gauge shotgun ammunition.
Sasampahan naman siya ng kasong alarms and scandals at paglabag sa R.A 10591, o comprehensive law on firearms and ammunition sa Quezon City Prosecutor’s Office.