SUMAILALIM sa basic military training (BMT) ang 319 kandidatong sundalo sa Indanan, Sulu.
Ito’y matapos ang opening ceremony ng Candidate Soldier Course Class 780 at 781-2023 sa Camp Bud Datu, Brgy. Tagbak Indanan, Sulu.
Ayon kay Colonel Leomar Jose Doctolero, commandant ng 11th Division Training School, apat na buwang BMT ang bubunuin ng kandidatong sundalo upang maging mahusay at disiplinadong sundalo.
Magkakaroon din sila ng dalawang buwang infantry orientation course bago ang kanilang aktuwal na deployment sa iba’t ibang yunit ng 11th Infantry Division (11ID).
Binigyang-diin ni Major General Ignatius Patrimonio, commander ng 11ID na ang pagsailalim sa standard training ng Philippine Army (PA) ang titiyak sa mga kasanayan at karakter na kinakailangan ng kandidatong sundalo bago tuluyang maging ganap na sundalo.
Samantala, isinagawa rin ang inagurasyon ng 11ID “Mastal” Training School Grandstand na magpapalakas sa kahandaan ng training school.