35 katao na responsable sa oil spill sa Mindoro, sinampahan ng reklamo sa DOJ

35 katao na responsable sa oil spill sa Mindoro, sinampahan ng reklamo sa DOJ

SINAMPAHAN na ng patong-patong na reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang umano’y 35 katao na responsable sa malaking oil spill sa Oriental Mindoro, kasama na rito ang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress.

Ito’y pagkatapos ang apat na buwang nang clearing operations sa karagatan at  imbestigasyon na ginawa ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-ECD) sa oil spill sa Oriental Mindoro.

Ilan sa mga isinampang reklamo ng NBI kasama ni Pola Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz ay patong-patong na reklamo para sa pamemeke ng mga dokumento at perjury.

Ilan aniya sa dinoktor o pineke ay ang certificate of public convenience (CPC) na binigay sa MT Princess Empress para makapaglayag.

Mga may-ari ng lumubog na MT Princess Empress, mga opisyal ng MARINA at PCG, ilan sa nasampahan ng reklamo

Mula sa RDC Reield Marine Services Inc, 7 incorporators at directors ang sinampahan ng reklamo gayundin ang 6 na crew ng MT Princess Empress.

Hindi rin lusot sa reklamo ang 19 na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG).

Nangyari ang oil spill pagkaraang lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023.

Ang barko ay may dalang mahigit 800,000 na litro ng langis.

Ang oil spill, nagsimula sa Naujan, Oriental Mindoro at nakarating sa Antique at probinsiya ng Batangas.

Una nang sinabi ng DOJ na gawa sa scrap ang barko at hindi akma para gawing oil tank at dinaya rin umano para palabasing bago ito.

Para kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, idinaan sa short-cut ang proseso para makapaglayag ang barko.

Duda pa ni Remulla, may palusot ang nangyari sa pagitan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at PCG.

Kaya ang ilang opisyal ng MARINA kasama sa mga sinampahan ng reklamo.

Follow SMNI NEWS in Twitter