KANSELADO ang 22 flights ng Cebu Pacific habang 16 flights naman sa AirAsia Philippines ngayong araw dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa Cebu Pacific at AirAsia Philippines apektado ngayong araw ang biyahe ng mga ito mula Manila patungong Bacolod, Iloilo, Caticlan, Dumaguete, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Puerto Princesa, Tagbilaran, Tacloban o vice versa.
Naabisuhan at nabigyan ng mga sumusunod na opsyon ang mga apektadong pasahero ng Cebu Pacific sa pamamagitan ng Manage Booking Portal sa Cebu Pacific.
Maaari nilang gamitin ang kanilang mga ginustong opsyon online hanggang sa dalawang (2) oras bago ang kanilang nakatakdang oras ng pag-alis.
Ayon sa Cebu Pacific, kasalukuyan na nilang pinapanumbalik ang operasyon matapos manalasa ang Bagyong Paeng.
Pinapayuhan ang mga apektadong mananakay na maaring i-rebook ang kanilang flight na walang anumang babayaran.
Pwede rin ilagay sa travel fund ang halaga ng tiket sa pamamagitan ng virtual ng CEB wallet.
Pinapayuhan naman ng AirAsia ang mga pasahero na magpalit ng iskedul ng kanilang flight epektibo sa loob ng 30 days mula sa original date ng departure.
Maari din panatilihin ang halaga ng kanilang tickets sa pamamagitan ng kanilang AirAsia BIG member account para sa susunod nilang biyahe.