BILANG tugon sa usapin ng problema laban sa organized syndicate at private armed groups sa Region 3, agad na nilansag ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 3 ang apat na hinihinalang myembro ng organized crime group sa rehiyon.
Ito’y matapos pagnakawan ang isang convenience store sa Brgy. Consuelo, Floridablanca, Pampanga. Naiulat ang insidente nito lamang, Oktubre 20.
Kinilala ang mga suspek bilang sina Tristan Awa Bestoguey, Tom Contade Nadnaden, Harold Bangloy Saqueb at Daniel Dave Tolingan Egsaen, mga walang trabaho at residente ng Lungsod ng Baguio at Mountain Province. Nahuli sila matapos ang mabilis na pagresponde ng mga pulis ng Floridablanca Municipal Police Station.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pagnanakaw bandang 10:30 AM nang makatanggap ang Floridablanca MPS ng tawag sa nasabing tindahan batay na rin sa monitored security system nito.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at naaresto si Tristan Bestoguey sa pinangyarihan ng insidente habang ang tatlo niyang kasamahan ay nakatakas.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation, at nahuli ang natitirang mga suspek sa Porac, Pampanga.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang baril bilang ebidensiya at 90K cash, iba’t ibang grocery items, mga kagamitan na ginagamit para sa mabibigat na trabaho (heavy equipment tools) at isang puting Toyota Fortuner (plate number CCL8293) na kinilala bilang kanilang getaway vehicle.