KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 4 sa mga Pilipino mula Ukraine ang nakatakdang umuwi sa bansa ngayong araw.
Bukas pa rin ang tanggapan ng DFA sa pamamagitan ng Philippine Embassy ng Warsaw, Poland para sa mga Pinoy na nagbabalak pang umuwi sa bansa mula Ukraine.
Sa isang virtual briefing ng DFA, kinumpirma ni Usec. for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na apat sa mga Pilipino mula Ukraine ang inaasahang darating ngayong araw habang may inaasahan pa sa mga susunod na araw.
Matatandaan anim sa mga kababayan mula Ukraine ang nakauwi na sa bansa noong nakaraang linggo habang patuloy ang tensyon doon.
Ayon din kay Arriola, ang ligtas at mabilis na pagpapauwi ng ating mga kababayan ang pangunahing prayoridad ng kagawaran.
Ang mga pagsisikap na ito ay produkto ng malapit na koordinasyon sa pagitan ng Philippine Honorary Consulate General sa Kyiv, Embassy team sa Lviv, embassy sa Warsaw, at ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA).
Ang kanilang repatriation ay pinondohan din ng Assistance to Nationals (ATN) Fund ng departamento.
Ayon din sa DFA may 181 na mamamayang Pilipino sa Ukraine, na karamihan sa mga ito ay nasa Kyiv.
Tumangging magbigay ng pahayag ang MIAA sa flight details ng mga uuwing OFW.