Naitalang kaso ng COVID-19 sa NCR, mas mababa na sa 100 –OCTA

Naitalang kaso ng COVID-19 sa NCR, mas mababa na sa 100 –OCTA

MABABA sa 100 na lamang ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa araw-araw ayon sa OCTA Research group.

Sa Twitter post ni Dr. Guido David ng OCTA Research group, labing pitong lungsod sa NCR ang bumababa na ang average new cases ng COVID-19.

Kabilang dito ang Quezon City, Manila, Pasig, Makati, Pasay, Caloocan, Parañaque, Las Piñas, Mandaluyong, Marikina, Taguig, Valenzuela, Muntinlupa, San Juan, Malabon, Navotas at Pateros.

Ayon kay Dr. Guido, hindi umaabot sa isang daan ang naitatalang kaso ng virus araw-araw.

Sa Quezon City, nasa 68 na lamang ang naitatalang average new cases per day mula sa 113 cases noong Pebrero 8 hanggang Pebrero 9.

Kasabay nito ay ang pagbaba ng positivity rate na ngayon ay nasa 3.9% na lamang.

Ang positivity rate ay patungkol sa bilang ng nagpopositibo mula sa mga na-test para sa COVID-19.

Ang reproduction number ng Quezon City ay mas mababa na rin sa 0.17 mula sa 0.19 noong nakaraang linggo.

Ipinapakita ng numerong ito kung gaano kalala ang pagkahawa mula sa virus, ito ay nangangahulugan na ang bawat kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay may maliit na tsansang makapanghawa, o magdulot ng bagong infection.

Sa pinakahuling datos ng QC LGU, nasa 99.12% o 257,581 na ang gumaling sa COVID-19 sa Quezon City.

Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit, mula sa kabuuang 259,866 ng nagpositibo, 614 dito ang kumpirmadong active cases.

Samantala, puspusan ang ginagawang pagbabakuna ngayon ng lungsod sa kanilang mga nasasakupan.

Maliban sa mga vaccination site sa malls, paaralan at hospital. Bukas din ang mga amusement center, parks at iba pa para sa mga bata edad 5 hanggang 11 at 12 hanggang 17 taong gulang.

Sa katunayan, umabot na sa higit 2.3 million ang fully vaccinated sa lungsod, kabilang dito ang adult at minors.

Higit 2.2 million naman na adult residents at workers ang nabakunahan na ng isang dose ng vaccine.

Patuloy din ang pagbabakuna sa minors with or without comorbidity at nasa 279,422 na bata na ang nabakunahan.

Sa kabuuan, nasa higit 5.3 million  doses ng bakuna na ang naiturok sa  Quezon City.

Sa kabila nito, nanatili pa ring low risk ang Metro Manila laban sa COVID-19 ayon sa OCTA group at sa Marso ay posibleng mas bumaba pa sa very low risk kayat patuloy ang paalala ng national government sa publiko na sundin pa rin ang minimum health protocols kahit lumuluwag na ang restrictions sa Kalakhang Maynila.

Follow SMNI News on Twitter