IPINAGMALAKI ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na siya ring overall chairman ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang magagandang reviews sa 10 pelikula na lumahok sa MMFF 2023.
Sa press conference, sinabi ni Artes na naitala nitong 2023 MMFF ang record-breaking na kita na umabot sa P1.069-B as of January 7, 2024.
Mas mataas ito kumpara sa P1.061-B noong 2018.
Noong 2022 ay nakapagtala lang ng kalahating bilyong kita ang MMFF.
Naniniwala si Chairman Artes na ang dahilan nito ay kalidad na mga pelikulang kalahok nitong 2023 MMFF.
“Observation namin dito before ang bulk ng nanonood ay CDE market, ngayon po ay na cover natin pati mga AB and C. In fact, parang mas marami nga po ‘yung segment ng market na nanood from AB and C, dahil sa mga comment nakita namin na maraming nanood ng dalawa o tatlo or mas marami pang pelikula. May mga iba pa na inulit pa kapag nagustuhan nila ang pelikula, dalawang beses nilang pinapanood,” ayon kay Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.
Ibinida pa ng MMDA, noong 2018 ay nasa 1,200 na sinehan ang bukas, pero itong MMFF 2023 ay nasa 800 sinehan lamang ngunit record-breaking ang kita.
Umaasa si Artes na magiging hudyat na ito upang mas lalo pang tangkilikin at magbalik sa sinehan ang mga pelikulang Pinoy.
“Hopefully we can sustain this hindi lamang ngayong Metro Manila Film Festival, sana po ay makapag-offer pa ang ating mga production company ng mga dekalidad na mga pelikula sa buong taon. At ini-encourage rin po namin ‘yung mga producers na mag produce ng mas magaganda pang pelikula para sa 2024 Metro Manila Film Festival,” dagdag ni Artes.
Mga nagpipirata sa mga pelikula na kalahok sa MMFF 2023, ipahuhuli at kakasuhan ng MMDA
Kaugnay rito, sinabi pa ng MMFF overall Chairman na nakatanggap sila ng ilang mga reklamo na talamak umano sa Facebook ang iba’t ibang pelikula.
Nagbabala si Artes sa mga nag-upload ng pelikula na sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Anti-Piracy Law.
Ipinaalala rin ni Artes na mayroon na silang nasampolan nitong mga nakalipas na buwan dahil sa pagbebenta ng mga complimentary pass sa MMFF.
Giit nito, nais niyang mayroong masampolan sa mga nag-uupload nito sa Facebook.
Makikipag-ugnayan aniya sila sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime at iba pang concern agencies ng gobyerno.
Ito’y para matunton ang mga nag-upload ng video.
“Kami po ay nanawagan sa ating mga kababayan na sana ay huwag nilang tangkilikin ito pong mga ganitong maling sistema, dahil kawawa rin po ‘yung mga producer na hindi naman buong taon at lahat ng pelikula ay kumikita,” ani Artes.
Pakiusap ng opisyal na isumbong ang sinumang nag-uupload ng mga pelikula gayundin ang mga kumukuha ng video sa loob ng sinehan.
Gayunpaman, matapos makatanggap ng maraming requests mula sa mga movie-goers ay pinalawig pa ng MMDA ang panonood ng MMFF 2023 entries hanggang January 14, 2024.