NTF-ELCAC, naniniwala na mauubos ang mga natitirang guerilla front ngayong taon

NTF-ELCAC, naniniwala na mauubos ang mga natitirang guerilla front ngayong taon

TARGET na malansag ng pamahalaan sa loob ng taong 2024 ang natitirang mahihinang guerilla fronts ng teroristang komunista.

Ayon kay Usec. Ernesto Torres, Jr., Executive Director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) positibo ang kanilang pananaw na hindi na magtatagal ang mga communist terrorist group (CTGs).

“In due time, the NTF-ELCAC through the cohesive leadership of President Ferdinand Marcos, Jr., the scourge of the CTGs in our country will be totally eliminated. We strongly believe that all the weakened guerrilla fronts will be dismantled within this year,” ayon kay Usec. Ernesto Torres, Jr., Executive Director, NTF-ELCAC.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng nangyaring engkuwentro sa mga terorista at militar sa Borongan Eastern Samar noong Enero 6, 2024 na nagresulta sa pagkamatay ng isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA).

Kinilala ng Philippine Army (PA) ang nasawing lider ng NPA na si Martin Colima alyas Moki.

Ayon sa militar si alyas Moki ay sekretarya ng sub-regional committee (SRC) Sesame ng NPA sa Eastern Visayas Regional Party Committee.

Dagdag pa ng 78th Infantry Battalion (78IB) ng PA na nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente patungkol sa presensiya ng NPA sa Brgy. San Gabriel at ang mga ginagawang extortion activity ng naturang rebeldeng grupo.

Sinabi pa ng militar na naghahanda rin anila ang grupo ni alyas Moki upang salakayin ang Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at maging ang mga dati nilang kasamahan na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Si alyas Moki ang responsable at ang mastermind sa nangyaring ambush sa major highway sa Libuton Village, Borongan City noong Disyembre 13, 2019.

Nagresulta ito sa pagkasawi ng isang pulis at tatlong sibilyan habang nasa mahigit 12 naman ang sugatan kasama ang ilang menor de edad.

Sa pagkasawi ni alyas Moki, umaasa si Usec. Torres na matauhan na ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at i-avail ang amnesty program ng gobyerno.

“The death of Martin Colima alyas Moki, top leader of the New People’s Army’s (NPA) sub-committee in Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), during combat operations by Army troops last Saturday in Eastern Samar should serve as an eye-opener for the remaining insurgents to lay down their arms, peacefully surrender and avail the government’s amnesty program,” ayon kay Usec. Ernesto Torres, Jr., Executive Director, NTF-ELCAC.

Sugatan na sundalo dahil sa engkuwentro sa Borongan City, Eastern Samar, nakatanggap ng medalya

Samantala, mismong si BGen. Noel Vestuir, commander ng 802nd Infantry Brigade (802IB), 8th Infantry Division (8ID) ng PA ang nagtungo at naggawad ng Wounded Personnel Medal (WPM) sa isang sundalo na nadestino sa 78IB.

Ang nasabing sundalo ay hindi pinangalanan para na rin sa kaligtasan nito.

Siya ay nasugatan matapos ang engkuwentro sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front CPP-NPA-NDF sa bisinidad ng Brgy. San Gabriel, Borongan City, Eastern Samar.

Humanga naman si BGen. Vestuir sa ipinamalas na tapang at aksiyon na ginawa ng sugatan na sundalo at maging ang mga opisyal ng 78IB.

“It is with great pride that I commend the tireless efforts of officers and troops of the 78th Infantry Battalion, who have acted immediately to the information given by the locals. The same goes to our wounded personnel injured in this encounter,” ayon kay BGen. Noel Vistuir, Commander, 802IB, PA.

Sa huli, nananawagan ang NTF-ELCAC sa mga natitirang miyembro at kasamahan ni alyas Moki na sumuko nang mapayapa at iwanan na ang walang kabuluhang armadong pakikibaka upang hindi matulad sa sinapit ng kanilang lider.

“The National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) call on the remaining members of Colima’s group to peacefully surrender and abandon the senseless armed struggle so as not to suffer the same fate like what happened to their leader,” ani Usec. Torres.

Follow SMNI NEWS on Twitter