ISANG pinagsamang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at ang Bureau of Immigration (BI) ang humantong sa pag-aresto ng ilang mga Chinese national na sangkot sa mga operasyon ng intelligence, surveillance, at reconnaissance sa Pilipinas.
Ang mga suspek na pinaniniwalaang bahagi ng isang mas malaking network ay nahuli sa iba’t ibang lokasyon sa Maynila at pinaniniwalaang nagtitipon ng sensitibong impormasyon tungkol sa mahahalagang pasilidad ng militar.
Sabi ng NBI, dalawa sa kanila ay nahuli sa NAIA Terminal 3 sa Lungsod ng Pasay; isa naman sa Intramuros, Maynila; isa pa sa Binondo; at ang huli ay sa Dumaguete. Lahat sila ay naaresto noong Enero 24 at 25.
Iniulat ng NBI-Special Task Force, ang pag-aresto sa limang Chinese national na kinilalang sina Cai Shaohuang (a.k.a. Richard Tan Chua), Cheng Hai Tao (a.k.a. Lestrade), Wu Cheng Ting (a.k.a. Brawn), Wang Yong Yi (a.k.a. Watson), at Wu Chin Ren. Ang mga suspek ay miyembro ng Qiaoxing Volunteer Group of the Philippines at ng Philippine China Association of Promotion of Peace and Friendship, Inc.
Ang pag-aresto ay kasunod ng pagkakaaresto kay Deng Yuanqing at ng kaniyang mga kasamahan noong Enero 17, 2025 dahil sa paglabag sa Espionage Act. Nagpatupad ang AFP ng follow-up operation matapos matukoy ang isang grupo na pinaghihinalaang nakikipagtulungan kay Deng.
Ang grupong ito ay pinaniniwalaang nagsasagawa ng aerial reconnaissance gamit ang mga drone na nangangalap ng data mula sa mga naval asset ng Pilipinas.
“We know for a fact that this images this video that they are taking are being sent, transmitted someone else. Pero hindi po natin alam kung saan kung ano ang receiving end,” ayon kay Gen. Romeo Brawner, Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines.
Napag-alaman ng NBI na ang grupo ng mga Chinese national ay nagtatago bilang mga mamimili ng mga produktong pandagat sa Brgy. Buenavista, Puerto Princesa City. Gayunpaman, madalas silang nakikitang nasa Ulugan Bay, Puerto Princesa, Palawan, na nagsasagawa ng aerial surveillance at reconnaissance sa Naval Detachment Oyster Bay (NDOB) sa Brgy. Bahile. Ang NDOB ay bahagi ng Naval Forces West (Navforwest) ng Philippine Navy at mayroong estratehikong lokasyon malapit sa South China Sea.
Ang pagsusuri sa kanilang mga mobile phone ay nagpakita ng mga larawan ng Buliluyan ports, Coast Guard station, mga barko, maliliit na sasakyang pandagat, at mga daungan. Mayroon ding mga larawan ng Philippine Navy’s Del Pilar Class PS 16, mga mapa ng Subic Bay International Airport, Naval Operating Base Subic, at isang marka ng karakter na Tsino na may arrow mula Barreto, Olongapo patungo sa Naval Operating Base Subic. Mayroon ding mga video ng mga barko ng Philippine Coast Guard na BRP Theresa Magbanua, at BRP Gabriela Silang.
“Base sa record namin, since 2023 nagstart sila sa, beach resort, they attempted to install a CCTV and nagpalipad sila ng mga drone no’n,” saad ni Atty. Jeremy Lotoc, Chief, Cybercrime Division Special Task Force, National Bureau of Investigation.
Ang mga suspek ay inaresto at iniharap sa inquest proceedings sa Office of the State Prosecutor, Department of Justice, dahil sa paglabag sa Commonwealth Act No. 616 Section 1(a) at 2(b) kaugnay ng Republic Act 10175.
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang lawak ng network at ang tunay na mga tatanggap ng nakolektang intelligence. Binibigyang diin ng kaso ang pangangailangan para sa mas mataas na pagbabantay at mga hakbang sa seguridad para maprotektahan ang mga kritikal na imprastraktura at pambansang interes.
Binigyang diin ni NBI Director Jaime Santiago na ang pag-aresto sa limang chinese national ay walang kinalaman sa kanilang mga nationality kung hindi sila ay lumabag sa batas na umiiral sa Pilipinas.
“And let us clarify that they are arrested because they are Chinese, they are arrested because they are violating commonwealth law na kapag sinasabi mo na ang defense facility natin without authority that is violation of our law,” ayon kay Ret. Judge Jaime Santiago, Director, National Bureau of Investigation.