TARGET ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) na makuha ang 5 minute fire response nito tuwing may insidente ng sunog sa Metro Manila.
Subalit makukuha lamang ito sa tulong ng mas maraming fire trucks at sub-stations para sa mabilis nilang pagresponde tuwing may sunog sa isang lugar.
Sa panayam ng media kay BFP-NCR Regional Director Fire Chief Supt. Nahum B. Tarroza, aminado siyang kulang pa ang kanilang mga kagamitan kung kaya’t pakiusap nito sa mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila na suportahan ang kanilang hiling na pasilidad para maisakatuparan ang mas epektibong operasyon kontra-sunog.
Naniniwala ang opisyal na mababawasan ang insidente ng sunog at danyos o pagkawala ng buhay at ari-arian kung may sapat silang kagamitan at pasilidad para dito.
Giit pa ng opisyal, matagal na nilang napag-aralan ang mga potensiyal na lugar na pagtatayuan ng fire sub stations para sa mabilis nilang responde sa mga insidente ng sunog ngunit tanging pondo na lamang ang kulang para magawa ito.
Ngayong araw, ipinagdiriwang ng BFP-NCR ang ika-32 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito sa Metro Manila.