GINAWARAN ng parangal ng AFP Visayas Command (VisCom) ang 50 sundalo dahil sa kanilang combat accomplishment at iba’t ibang peace initiatives sa Negros Island.
Pinangunahan ni AFP VisCom commander Lieutenant General Benedict Arevalo ang awarding ceremony sa Camp Gerona, Murcia, Negros Occidental.
Binubuo ang 50 awardees ng 18 opisyal at 32 Enlisted Personnel mula sa 303rd Infantry Brigade, 94th Infantry Battalion, 79th Infantry Battalion, at 15th Infantry Battalion.
Sa nasabing bilang, 13 sundalo ang ginawaran ng Gold Cross Medal para sa kanilang katapangan sa pakikipaglaban sa CPP-NPA.
Habang 13 sundalo ang sinabitan ng Silver Cross Medal at 14 sundalo ang pinagkalooban ng Military Merit Medal with Bronze Spearhead Device.
Samantala, 5 tauhan ang nakatanggap ng Parangal sa Kapanalig ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas Medal at Ribbon, at limang tauhan ang binigyan ng Gawad sa Kaunlaran Medal kabilang si Brigadier General Orlando Edralin, Commander ng 303rd Infantry Brigade.