MAGLALABAN-laban ang anim na Women’s Basketball Teams sa gaganaping Invitational Women’s PBA (WPBA) 3×3 sa susunod na linggo.
Ang anim na koponan ay ang Uratex Dream, Gilas A, Gilas B, Philippine Air Force, Philippine Navy, at Angelis Resort.
Ang 3-linggong elimination schedule ay magsisimula sa Enero 22 hanggang 23 sa Ayala Malls Circuit Makati; ang Enero 29 hanggang 30 schedule ay sa Ayala Malls Market! Market!
Sa Pebrero 5 hanggang 6 ay matutunghayan ang mga laro sa Ayala Malls Manila Bay habang ang apat na koponan na makakaabot sa knockout playoffs ay maglalaro sa Ayala Malls Glorietta sa Pebrero 19, 2024.
Samantala, pangungunahan ng Gilas Pilipinas Women ang gaganaping Manila Hustle 3×3 Season 2 ngayong Pebrero 3 at 4, 2024.
Makakasama nila rito ang kapwa Pinoy teams na Uratex Dream, Uratex Tibay, Titans, Army Altama, Discovery Perlas, at Bluefire LPG.
Tampok din dito ang mga koponan mula sa Japan, South Korea, Thailand, Singapore, Australia, at India.