NOONG Marso 19, ngayong taon, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pamumuno ni Director at Retired Judge Jaime Santiago, ang anim na Chinese national at isang Pilipino sa isang operasyon na pinagsanib-puwersa ng mga intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga law enforcer ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Ang mga naarestong Chinese national ay sina He Peng (a.k.a. Nan Ke), Xu Xining, Ye Tianwu (a.k.a. Qui Feng/Qing Feng), Ye Xiaocan, Dick Ang, at Su Anlong, at ang kanilang Pilipinong bodyguard na si Melvin Aguillon.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ang NBI ng ulat mula sa AFP noong Marso 17 ngayong taon, tungkol sa mga dayuhang nagsasagawa ng lihim na pagmamatyag sa mga mahahalagang imprastruktura sa Region III.
Natuklasan na ang mga suspek, na nagpapanggap na mga mangingisda, ay gumagamit ng high-tech drones para magmatyag sa mga barkong pandagat ng Pilipinas at mga bansang kaalyado sa Grande Island.
Ang estratehikong lokasyon ng isla’y nagbibigay sa kanila ng magandang posisyon para subaybayan ang mga barkong pumapasok at lumalabas sa Subic Bay.
Sa operasyon, nakumpiska ang mga larawan at dokumento ng mga barkong pandagat, electronic gadgets na may surveillance photos at videos, pekeng dokumento ng Bureau of Internal Revenue, at mga pekeng identification card. Si Aguillon ay nahaharap din sa kasong pag-aari ng hindi rehistradong baril.
Samantala, nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Commonwealth Act No. 616 o Espionage Law, Article 172 at 178 ng Revised Penal Code, Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at COMELEC Gun Ban. Iniharap na sila sa inquest proceeding sa Office of the Provincial Prosecutor, Bataan noong Marso 21, ngayong taon.
Ang pag-aresto ay kasunod sa iba pang mga katulad na insidente kung saan nahuli ang mga dayuhan na sangkot sa pag-espiya sa bansa.
Noong Enero ngayong taon, limang Chinese national na pinaghihinalaang sangkot sa pag-espiya ang iniharap sa media ng NBI matapos ang serye ng mga hot pursuit operations ng NBI-Special Task Force noong Enero 24 at 25.
Sumunod naman dito noong Pebrero ang pag-aresto ng dalawang Chinese national at tatlong Pilipino na pinaghihinalaang mga espiya sa Metro Manila, kabilang na ang malapit sa Malacañang.
Kamakailan lang, ilang foreign national ang naaresto sa Zambales dahil sa pagpapanggap na may lehitimong negosyo ngunit pinaghihinalaang sangkot sa pag-espiya at pagdukot na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sinabi ni Director Santiago na patuloy ang pagsisikap ng NBI na sugpuin ang mga aktibidad sa pag-espiya para maprotektahan ang pambansang seguridad.
Follow SMNI News on Rumble