ASAHAN ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi maiiwasan na mayroong mga lugar sa Metro Manila na talagang babahain sa pagpasok ng La Niña.
Sabi ng MMDA, aabot sa 80 lugar ang natukoy nila sa Kalakhang Maynila na flood-prone o madalas bahain.
Kalimitan sa mga ito ay matatagpuan sa mababang lugar na may maliliit na drainage system.
At sa kabila ng walang hintong paglilinis ng mga tauhan ng MMDA sa iba’t ibang daluyan ng tubig, bumabara pa rin ang mga drainage sa nasabing lugar.
“Pero maaaring itatanong niyo bakit ganoon? Linis tayo nang linis, ganito karami ang nalilinis. Bakit hindi nawawala? Hindi po iyan nawawala dahil tuluy-tuloy naman po ang mga nagtatapon ng mga basura. Kapag hindi po tama ang pagtapon, marami po diyan ang nauuwi sa drainage system,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Sa katunayan ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, nakakakuha sila ng 52,000 cubic meter ng basura mula sa mga ikinabit nila na mga trash trap kada taon.
MMDA, nanawagan sa publiko na itapon ang mga basura sa tamang lugar ngayong papalapit na ang La Niña
Kaya patuloy ang panawagan nila sa publiko na itapon sa tamang oras at tamang lugar ang kanilang mga basura.
Lalo na ngayon na nagsisimula nang makaranas ng mga pag-ulan.
“Admittedly hindi na kayang i-accommodate ‘yung volume ng tubig. Imaginin niyo na hindi nga kayang ia-accommodate ‘yung volume, babarahan pa, talagang magca-cause iyan ng flashfloods,” dagdag ni Artes.
“Kami po ay hindi magsasawa na manawagan ng inyong kooperasyon na itapon po ‘yung ating mga basura nang tama, tamang oras, tamang lugar para hindi po mapunta sa mga waterways,” ani Artes.
Tamang sukat ng mga kanal, aaralin ng MMDA sa pamamagitan ng drainage master plan
Sa ngayon ani Artes, nasa pipeline na ang drainage masterplan na nakikita aniyang long term solution sa pagbaha sa Metro Manila.
Popondohan aniya ito ng World Bank na aabot sa humigit-kumulang P600-M.
Isa sa mga pag-aaralan dito ay kung gaano kalapad at kalalim ang mga kanal na gagawin sa susunod na 30 taon.
“Kailangan ‘yung gagawing canals ay 30 years from now ay kayang i-accommodate pa rin ‘yung tubig na ibabagsak 30 years from now. With this consideration ‘yung pattern ngayon ng increase ng volume ng tubig na bumababa dito sa Metro Manila,” wika ni Artes.
Karagdagang pumping stations, kasalukuyang itinatayo ayon sa MMDA
Kasalukuyan ding nagtatayo ani Artes ng mga karagdagang pumping stations malapit sa mga kalsadang madalas na binabaha tulad ng sa Taft Avenue, Espana, Araneta Avenue, sa bahagi ng EDSA malapit sa Camp Aguinaldo, Maysilo Circle sa Mandaluyong, at UN Avenue.
Magkakaroon naman ng inter-agency meeting ang MMDA, Metro Manila Council, at iba pang ahensiya ng gobyerno para pag-usapan pa ang iba pang gagawin bilang paghahanda sa La Niña.