INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang 90-day na pagpapalawig ng pagpaparehistro ng SIM card.
Base sa Facebook post ng Radio Television Malacañang RTVM, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang isang sectoral meeting sa Palasyo ng Malacañang nitong Martes, Abril 25 kung saan natalakay ang updates tungkol sa SIM card registration.
Sa naturang pulong, ipinaaalam ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Pangulo na nakipagpulong ito sa mga stakeholder na binubuo ng public telecommunication entities at mga kaugnay na ahensiya.
Iprinesenta rin ng DICT sa Punong Ehekutibo ang proposal para sa extension ng SIM registration period pagkatapos ng April 26, 2023 deadline.
Target ngayon ng DICT na mairehistro ang 70% ng mga aktibong SIM sa loob ng 90-day extension.
Ang Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Oktubre 10, 2022 ay naglalayong pigilan ang nakaaalarmang pagkalat ng mga spam message at scams sa pamamagitan ng short messaging services (SMS) o text sa bansa.