900k konsyumer ng Maynilad, araw-araw na makakaranas ng pagkawala ng tubig sa loob ng halos 1 linggo

900k konsyumer ng Maynilad, araw-araw na makakaranas ng pagkawala ng tubig sa loob ng halos 1 linggo

ARAW-araw na makararanas ng pagkawala ng tubig sa loob ng halos 1 linggo ang 900k konsyumer ng Maynilad sa Metro Manila at Bulacan.

Simula Miyerkules, Oktubre 12 hanggang 17 ay makararanas ng araw-araw na pagkawala ng suplay ng tubig ang nasa 900,000 konsyumer ng Maynilad sa Maynila, Malabon, Valenzuela, Quezon City, Caloocan, Navotas at Bulacan.

Magsisimula ito mula alas-6 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga kinabukasan.

Sa Quezon City, higit 20 barangay ang naapektuhan sa ipinatupad na water interruption tulad ng 131, 170, Bagbag, Bagong Silangan, Batasan Hills, Commonwealth, Greater Fairview, Greater Lagro, Gulod, Holy Spirit, Kaligayahan, North Fairview, Pasong Putik, Payatas, San Agustin, San Bartolome, Sauyo, Sta. Lucia, Sta. Monica, Pag-ibig sa Nayon at San Jose.

Ilang barangay sa QC na nakaranas ng water interruption:

Barangay 131
Barangay 170
Barangay Bagbag
Barangay Bagong Silangan
Barangay Batasan Hills
Barangay Commonwealth
Barangay Greater Fairview
Barangay Greater Lagro
Barangay Gulod
Barangay Holy Spirit
Barangay Kaligayahan
Barangay North Fairview
Barangay Pasong Putik
Barangay Payatas
Barangay San Agustin
Barangay San Bartolome
Barangay Sauyo
Barangay Sta. Lucia
Barangay Sta. Monica
Barangay Pag-ibig sa Nayon
Barangay San Jose

Ang dahilan ng panibagong water service interruption ng Maynilad ay bunsod ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Ipo Watershed.

Kaya isa sa kanilang mitigating measure ay humingi ng tulong sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa pagpapalabas ng tubig mula sa Angat Dam papunta sa mga planta.

“Ang ginagawa natin, humingi tayo ng cross border supply from the concessionaire so nakakuha kami ng 2,350 million liters per day na raw water kahapon. Unfortunately kulang pa rin ‘yan, kapos pa rin ‘yan ng 15 million liters per day. So, ang ginawa natin ay humingi tayo ng tulong sa MWSS at nag-request naman ang MWSS ng additional releases from Angat Dam para mapabagal ang pagbaba ng water level sa Ipo Dam,” pahayag ni Jennifer Rufos Head, Corporate Communication, Maynilad.

“Ang good news is ay recent lang nalaman natin na inaprubahan na ng MWRD ‘yung additional releases sa Angat Dam. So, but it will take time for that to take effect kasi sa distansya ng itra-travel ng tubig mula sa Angat Dam pababa sa ating mga planta. Ilang araw din bago natin maramdaman ito. So, habang hinihintay natin ang epekto, itong additional release from Angat Dam ay minabuti muna natin na mag-implement muna ng daily interruption schedule sa iba’t ibang areas sa ating concession from now until October 17,” pahayag ni Rufos.

Hinihikayat naman ng Maynilad ang mga apektadong customer na mag-imbak ng sapat na tubig.

Asahan din, ayon sa Maynilad, ang kanilang pagdeploy ng mga water tanker para magrasyon ng malinis na tubig sa mga apektadong lugar.

“Beside that mayroon naman din tayong ide-deploy na mobile water tankers, pero mas mainam po na makapag-ipon na lamang ang ating mga customer para hindi sila umaasa sa ating tankers delivery,” pahayag ni Rufos.

Hinimok ng Maynilad ang publiko na bisitahin ang website at official Facebook at Twitter account ng Maynilad para sa karagdagang update.

 

Follow SMNI News on Twitter