NAKAPAGTALA ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 94 fire incidents sa unang apat na araw pa lamang ng Fire Prevention Month ngayong Marso taong 2022.
Dahil dito, hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na mas maging mapagbantay sa pagpatutupad ng fire safety protocols.
Ito ay upang maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian at pagkawala ng mga buhay dulot ng sunog.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mula Marso 1 hanggang 4 ay mahigit P20.4 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala habang 7 ang nasawi sa sunog sa buong bansa.
Ngunit mas mababa aniya ito kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na nasa 161.
Sa loob ng apat na araw ay mayroong 68% o 64 fire incidents: 2 fire cases ay intentional, 2 ay natural, ang isa ay dahil sa kapabayaan habang 25 incidents ang kasalukuyang iniimbestigahan.
Sinabi ng DILG chief na sa NCR, 12 fire incidents ang naitala kung saan higit P500, 000 halaga ng ari-arian ang napinsala.
Samantala, ani Año na mula Enero 1 hanggang Marso 4, 2022 ay nasa 2,181 incidents na ng sunog ang naitala sa buong bansa, mas mataas kumpara sa kaparehong panahon na naitala noong 2021 na nasa 1,984.
BASAHIN: Mababang kaso ng fire incident, naitala sa Metro Manila ngayong taon