HINDI malayo na makuha ng bansa ang inaasam nitong 97% rice sufficiency sa 2028.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nasa pamahalaan ang pagsisikap na maabot ito at sa tulong na rin ng mga magsasaka.
Sa panayam kay Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) Director Nestor Domenden, naniniwala siya na kayang makamit ng bansa ang target na rice sufficiency pagsapit ng 2028.
Sa ilalim ng kanilang tanggapan, naihanda na nila ang mga kinakailangang dokumento at proseso para suportahan ang mithiin na ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na siya ring tumatayong kalihim ng DA.
Ani Domenden, bukod sa kanilang tanggapan, malaking bagay rito ang pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa mabilis na paggawa at paghahatid ng produkto sa bansa.
Matatandaang, sa Laging Handa public briefing, sinabi rin ng National Irrigation Authority (NIA) na magagawa lamang na makuha ang inaasam na sapat na suplay ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng Masagana Rice Industry Development program na inaprubahan ng Pangulo.
Sa ngayon, patuloy ang pag-aaral ng DA sa mga programa na higit na makatutulong sa mga mangingisda at magsasaka sa bansa.
Kasama na rito ang paghikayat sa mga Pilipino na magtanim bilang kilala ang bansa bilang isang rice producing country sa buong mundo.
Balanced fertilization, isinusulong ng DA
Sa kabilang banda, tinutulak ngayon ng DA ang tinatawag na balanced fertilization o paggamit ng organic fertilizers na makatutulong sa mas mataba, mas malagong ani ng mga tanim.
Ayon sa PCAF, naniniwala sila na malaki ang potensiyal ng programa, hindi lang para sa malusog na pagkain ng mga Pilipino kundi ang mayabong na industriya ng pagsasaka sa bansa.
Bagaman hindi naman aniya tuluyang ihihinto ang paggamit ng kemikal kung kailangan naman ito sa mga pananim.
Sa huli, muling pinaalalahanan ng ahensiya ang mga magsasaka at lahat ng residente sa bansa na maging masinop sa pagtatanim lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng El Niño phenomenon.
Ang mga ganitong estratehiya aniya ay malaking ambag hindi lang sa kita ng mga mamamayan, kundi maging sa suplay na pagkain sa bawat hapag-kainan.