INILUNSAD ng Amerika ang 988 hotline para sa mga taong suicidal.
Ito ang bagong numero na magbibigay ng 24/7 na libre at kumpidensyal na suportang emosyonal sa buong Amerika na kadalasa’y nag-iisip magpatiwakal.
Ang mga taong nakararanas ng krisis sa kaayusan ng isip ay maaari na ngayong tumawag o mag text sa isang tatlong digit na numero na 988, upang ma contact ang National Suicide Prevention Lifeline at kumonekta sa mga propesyonal sa kalusugan ng isip na sinanay upang tumugon sa mga naturang mga insidente.
Ang hotline ay binubuo ng isang network ng 200 local crisis centers sa buong bansa.
Ang tatlong digit na numero ay inaasahang mas madaling matandaan sa panahon ng krisis kaysa sa 10-digit na 800 na numero na unang numero ng National Suicide Prevention Lifeline.
Nilalayon din nitong i-streamline ang mga tugon sa kalusugan ng isip upang makuha ng mga tao ang agarang tulong na kailangan nila nang mas mabilis kaysa sa pagtawag sa 911, na karaniwang dumadaan pa sa mga ahensyang nagpatutupad ng batas bago sa mga propesyonal sa kalusugan ng isip.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, mayroong mahigit 45 libong tao ang namatay sa pamamagitan ng suicide sa Estados Unidos noong 2020, habang 19.86% ng mga nasa hustong gulang ay nakararanas ng sakit sa pag-iisip na katumbas ng halos 50 milyong Amerikano.
Kinumpirma ng ulat ng 2022 State of Mental Health sa Amerika na patuloy na lumalala ang kalusugan ng isip ng mga tao sa Amerika dahil sa pandemya at sa lumalalang inflation.