PNP, tiniyak na tatayo ang organisasyon kahit itigil ang suporta ng Amerika sa kanila

PNP, tiniyak na tatayo ang organisasyon kahit itigil ang suporta ng Amerika sa kanila

HINDI pinanghihinaan ng loob ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa posibleng pag-block ng suporta ng Amerika sa kanilang hanay.

Sa panayam sa tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Jean Fajardo, kaya naman aniyang tumayo ng PNP para tustusan ang mga programa nito gaya ng trainings at pagbili ng mga equipment para sa kanilang mga kapulisan na hindi umaasa sa tulong ng Amerika.

Bagama’t, aminado ang PNP na may epekto sa kanilang hanay ang banta na ito ng Amerika sa estado ng kapasidad ng kapulisan sa bansa pero hindi aniya ito makapipigil sa kanilang mga operasyon para pangalagaan ang karapatang pantao ng mamamayan.

Sa katunayan, nananatiling malaking tanong sa PNP ang naging basehan ni Pennsylvania Rep. Susan Wild kaugnay sa tinutukoy nitong human rights violation ng organisasyon.

Paliwanag pa ng PNP, hindi sila nagkulang para sa pagsasampa ng kaukulang kaso kasabay ng pagdidisiplina sa mga pulis na sangkot sa iba’t ibang iregularidad at paglabag sa karapatang pantao na isa sa mga binabanggit na pagkukulang ng Pambansang Pulisya kung kaya’t hindi na ito karapat-dapat na tumanggap pa ng tulong mula sa Amerika.

Batay sa datos ng PNP mula 2016-2022, mayroon na silang nakasuhan, inalis sa puwesto at tinanggalan ng benepisyo dahil sa mga naitalang mga paglabag sa mga ito.

Ito ay bilang patunay na gumagana ang sistema ng hudikatura sa bansa taliwas sa nakikitang reklamo ng isang mambabatas sa Kongreso sa Amerika.

Bilang ng kasong administratibo laban sa PNP personnel:

Hulyo 2016- Hunyo 22, 2022

5,652 – Dismissed from service

10, 650 – Suspended

1, 150 – Demoted

2, 491 – Disciplinary sanctions

288 – Privileges withheld

222 – Restricted to quarters

1, 000 – Pending cases

Kabuuan -21, 306

Batid ng PNP na hindi ito ang isang beses na mayroong akusasyon na ibinato sa PNP partikular na sa laban kontra iligal na droga noong nakaraang administrasyon.

Kaya naman pakiusap ng PNP, lalo na sa mga banyaga na huwag panghimasukan ang panloob na proseso ng Pilipinas gayong nananatiling matatag ang mga korte at batas para litisin ang mga nagkakasala.

Sa ngayon, patuloy na naninindigan ang PNP sa kahandaan nitong makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan para sa ikareresolba ng mga usaping ito.

Nauna nang ikinakabit ang isyung ito sa laban kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos na hindi nito pagbigyan ang kahilingan noon ng ICC sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa diumano’y human rights violation ng kanyang administrasyon sa paniniwalang hindi kailangan ng Pilipinas ang ICC para resolbahin ang problema ng iligal na droga sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter