2014 nang pirmahan ng Amerika at Pilipinas ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sina dating US President Barack Obama at yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino ang pumirma sa kasunduan.
Sa ilalim nito, ay pinapayagan ang pagpasok ng mga sundalong Amerikano at kanilang military equipments sa loob ng kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pinapayagan din silang magtayo ng military facilities gaya ng radar sights, runway at mga pantalan.
Ang mga nabanggit na pasilidad, pwede ring gamitin ng mga Pilipinong sundalo.
5 ang orihinal na EDCA sites na napagkasunduan ng Pilipinas at US.
Kabilang dito ang Basa Airbase sa San Fernando Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Benito Ebuen Airbase sa Cebu City, Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City sa Mindanao.
Sa pagbisita kamakailan ni US Defense Secretary Lloyd Austin III sa Pilipinas, 4 pang lokasyon ang gagawing EDCA sites.
At posible itong ilagay sa Cagayan Province, Zambales at Isabela- mga lugar na malapit sa Taiwan na bansang sinasabing inaangkin ng China.
Ngunit para sa isang geopolitical analyst, dapat pag-isipang mabuti ng pamahalaan ang pagbibigay ng mas maraming access sa US sa military bases ng bansa.
“Itong mga military presence ng mga 3rd party no kung tawagin natin ay hindi makatutulong kasi lalong mag-eescalate yan. Kumbaga meron kang armas, meron akong armas eh nagdagdag ka ng kaalyado na may dagdag na armas so may nuclear weapons na sila kasi itong US ay nagpo-provoke no na dumami ang mga armas dito sa area natin. Siyempre hindi ka papayag daragdagan mo rin yung armas mo on an arms race and that’s become you know ang pinag-uusapan ngayon yung EDCA military bases,” ani Prof. Austin Ong, Analyst, Integrated Development Studies Institute.
Para naman kay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dapat pag-aralan ang EDCA.
Lalo na’t pinaiiral ngayon ang independent foreign policy.
Ibig sabihin, neutral ang pamahalaan at walang kinikilingang bansa.
Ayaw namang pangunahan ni Enrile si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang chief architect sa foreign policy ng bansa.
“Kagagaling lang ng ating Presidente sa Japan, nandiyan ang South Korea, Australia lahat ‘yan. Kailangan anuman ang karapat-dapat na gawin natin sa relasyon natin sa Amerika at ganundin ang realsyon natin sa Tsina, yan ang dapat aralin ng Foreign Affairs natin, yan ang trabaho nila. Kaya hindi ko matatalakay yan dito sa publiko dahil yan ay domain ng ating President,” pahayag ni Sec. Juan Ponce Enrile, Chief Presidential Legal Counsel.
At kahit ayaw ng Pilipinas, tiyak daw na madadamay tayo kung magkagulo man ang China at US.
Tiniyak naman ni Enrile na pinag-aaralan ni Pangulong Marcos ang sitwasyon.
“Ay sigurado yon nasa sentro tayo ng gulo eh, madadamay tayo. Maski ayaw natin, madadamay tayo kaya ang Presidente ay pinag-aaralan yan. Pero hindi natin pwede talakayin yan sa publiko,” ayon pa kay Enrile.