AMINADO ang Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi pa sapat ang kanilang mga fire truck sa iba’t ibang munisipalidad sa Pilipinas na nagiging dahilan kung kayat naaantala ang pagbibigay-serbisyo sa panahon ng sakuna.
Pero, tiniyak ng Bureau of Fire Protection na gumagawa sila ng hakbang upang matugunan ito.
Sunud-sunod ang naitatalang sunog ng BFP sa iba’t ibang panig ng Pilipinas simula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.
Isa sa nakikitang hamon ng BFP partikular sa mga istasyon nito sa mga probinsya ay ang kakulangan sa kagamitan na nagiging dahilan kung kayat hindi gaanong natutumbok ang 7 minutes response.
Ito umano ay reyalidad na nangyayari sa istasyon ng BFP sa Region 10 ayon kay Regional Director Chief Superintendent Carlos Dueñas nang makapanayam ng SMNI News.
Aminado ang pinuno ng BFP na si Fire Director Louie Puracan na ito ang nangyayari sa iba’t ibang istasyon ng BFP sa mga probinsya.
“Actually napakahalaga na ma-modernize tayo dahil unang-una mayroon pa tayong 116 municipalities na walang firefighting capability,” ani Fire Director Louie Puracan, BFP chief.
Binigyang-diin naman ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., na tinututukan na ng DILG ang mga isyung ito upang mapagaan ang pagbibigay-serbisyo ng BFP sa mga Pilipino tuwing may sunog.
“We are cognizant of the gap in terms of the firefighting capability,” ayon naman kay Sec. Benjamin Abalos Jr., DILG chief.
Pero, kumpyansa ang BFP na unti-unti nang naaabot ng BFP ang pagiging modernized.
Ito ay tungo sa mas mabilis na fire and emergency response at karagdagang training upang mas magampanan pa ng mga bumbero ang kanilang mga mandato.
Patunay dito ang nakumpletong procurement ng higit 200 units ng fire trucks na ipamamahagi sa iba’t ibang BFP stations sa bansa.
Umaga ng Lunes, nasa 74 units ng fire trucks na mayroong 1,000 gallons capacity ang ipinamahagi sa 15 rehiyon sa bansa.
Kabilang sa mga tumanggap ay ang Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, Cordillera Administrative Region (CAR), CARAGA Region at National Capital Region.
Mga rehiyon na tumanggap ng bagong fire trucks mula sa BFP-NQ
Region I – 5 units of fire trucks
Region II – 4 units of fire trucks
Region III – 6 units of fire trucks
Region IV-A – 9 units of fire trucks
Region IV-B – 4 units of fire trucks
Region V – 2 units of fire trucks
Region VI – 4 units of fire trucks
Region VII – 7 units of fire trucks
Region VIII – 8 units of fire trucks
Region IX – 2 units of fire trucks
Region X – 4 units of fire trucks
Region XI – 2 units of fire trucks
Region XII – 4 units of fire trucks
CAR – 6 units of fire trucks
CARAGA Region – 5 units of fire trucks
NCR – 2 units of fire trucks
Source: BFP-NHQ
Sa NCR, isa sa mga lokal na pamahalaan na tumanggap ng bagong biling fire truck ay ang lungsod ng Marikina.
Napaka-importante aniya ng public safety at nakatitiyak na sa pamamagitan ng pagdagdag ng bagong fire trucks ay mapataas pa ang kapasidad ng BFP sa pagresponde.
Samantala, sang-ayon din si Senator Sonny Angara na panauhing pandangal sa naturang seremonya na dapat maging modernize na ang BFP.
Dapat lamang aniya na kumpleto sa makabagong kagamitan ang mga BFP stations at maayos na mga pasilidad.
“Mahalaga ito at tsaka at committed kami sa Senado, dapat tuluy-tuloy po iyan,” saad ni Sen. Sonny Angara.