Mga dayuhan, walang karapatan manghusga sa sarili nating bayan –Sen. Bong Go

Mga dayuhan, walang karapatan manghusga sa sarili nating bayan –Sen. Bong Go

MULING kinuwestyon ni Senator Bong Go ang pamimilit at pangingialam ng mga dayuhan sa pamamalakad at pagresolba ng gobyerno sa mga problema ng bansa.

Aniya hayaan na lang ng mga dayuhan na ang mga Pilipino ang huhusga sa naging kampanya laban sa iligal na droga ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Kayo na po ang humusga, hayaan na natin ang taong bayan ang humusga kung mas nakakalakad ba kayo sa gabi na hindi nababastos ang inyong mga anak at hindi nasasaktan. Ginawa po ni Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya at sakripisyo para po sa kinabukasan ng ating mga anak at ako po hayaan na natin ang ating kapwa Pilipino at hindi po banyaga para humusga sa ginawa nya po sa kanyang panahon. Abogado naman po si Pangulong Duterte at mas gusto nya that he will be judged dito sa Pilipinas under Philippine laws. Bakit ibang bayan ang huhusga sa atin eh may sarili naman tayong batas at may tiwala po ako sa ating judicial system,” saad ni Sen. Bong Go.

Nauna nang umani ng samut-saring reaksyon ang ginawang pagkalas ni dating Pangulong Duterte sa ICC, ang rason nito ay masyado nang nangingialam ang mga dayuhan sa paglutas sa problema ng bansa kaugnay sa iligal na droga.

Minahal at nagmarka sa puso ng maraming mga Pilipino si dating Pangulong Duterte dahil sa kanyang malasakit at tapang na masawata ang iligal na droga sa bansa.

Sa kanyang anim na taong paglilingkod sa bayan, ramdam ng mga Pilipino ang pagbabago, lalo na sa usapin ng peace and order.

Patunay nito ang napakataas na nakuhang satisfaction rating ng iba’t ibang survey.

Pero kung para sa mga Pilipino ay aprubado ang ginawa ng dating Pangulo, tila taliwas naman ang ginagawa ngayon ng ICC.

Dahil dito rumesbak at pinagtanggol ni dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si dating Pangulong Duterte.

Aniya, walang karapatan ang ICC na husgahan at magdikta sa problema ng bansa.

Dagdag pa nito maging ang Estados Unidos ay hindi miyembro ng ICC kaya wala itong karapatan na manghimasok sa Pilipinas

“Hindi pwede na sila ang maghuhusga, hindi pwede na sila ang magdidikta. Ang maghuhusga (dapat) ay (ang) taong-bayang Pilipino,” ani Cong. Gloria Macapagal Arroyo, dating Pangulo.

“’Yun ang spirit ng resolution. At hindi naman tayo member ng ICC at hindi lang naman tayo ang hindi member ng ICC, pati US,” ayon pa kay dating PGMA.

Giit din ni Go, ginawa lang ni dating Pangulong Duterte ang nararapat para sa kapakanan ng mga kabataan.

“Kay Congressman Gloria Macapagal Arroyo at sa mga kasamahan niya sa Kongreso, sa patuloy na tiwala at suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ako po bilang senador at naging parte po ng administrasyon ni Pangulong Duterte noon bago po ako naging senador alam ko naman po na ginawa lang ni Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para po sa kaligtasan ng ating mga anak natin. Alam nyo ang ginawa nya pong sakripisyo ay para po yun sa future ng ating mga anak” dagdag ni Sen. Go.

Samantala, sinabi ni Relissa Lucena, founding president ng Yakap ng Magulang Movement na sa panahon lang ng Duterte administration, naramdaman ang tunay na pagbabago.

Bagay na ikinalulungkot niya ito kumpara sa kasalukuyang administrasyon na tila hindi ramdam ang seguridad ng publiko.

“Kami pong nasa ibaba, nakita namin yung pagbabago. Kung dati takot na takot akong maglakad sa labas, ngayon po hindi ko na nararamdaman yun at nararamdaman namin ang gobyerno,” pahayag naman ni Relissa Lucena, founding president ng Yakap ng Magulang Movement.

Nitong Sabado nang igiit muli ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang kanyang paunang posisyon na sa pagnanais ng ICC na mag-imbestiga sa Pilipinas.

“My position has not changed. I have stated it often, even before I took office as President that there are many questions about (ICC’s) jurisdiction and what we in the Philippines regard as an intrusion into our internal matters and a threat to our sovereignty,” ani Pangulong Marcos.

Pagbibigay-diin pa ni Pangulong Marcos, walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at maayos naman ang justice system sa bansa.

“I do not see what (its) jurisdiction is. I feel that we have in our police and our judiciary a good system. We do not need assistance from any outside entity,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Samantala isang resolusyon naman ang inihain ni Senador Robinhood Padilla sa Senado bilang pagsuporta kay Pangulong Duterte laban sa pangingialam ng ICC sa Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter