NANINDIGAN si Senator Christopher ‘Bong’ Go na hindi dapat ibasura ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) dahil lang sa panibagong hazing incident.
Kasunod ito ng pagkasawi ng estudyante kamakailan matapos ang hazing incident na kagagawan ng kanyang ka-frat mula sa Tau Gamma Phi Chapter.
Bumuhos ang pakikiramay mula sa mga opisyal ng pamahalaan para sa pamilyang naiwan ni John Matthew Salilig, ang engineering student ng Adamson University.
Sa pagkamatay ng nasabing estudyante, muling nabuhay ang panawagang ibasura ang mandatory ROTC bill.
Pero, para kay Go, hindi ito nangangahulugan na dapat maibasura ang mandatory ROTC sa mga unibersidad at kolehiyo.
Iba pa rin aniya ang naibibigay na disiplina ng ROTC sa mga mag-aaral at itinuturo din ang pagmamahal sa bayan at sa kapwa.
Si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na isa sa mga nagsusulong ng bill ay kinuwestyon kung bakit iniuugnay ang ROTC sa mga namatay sa hazing sa fraternity.
Ipinunto ng senador, hindi naman sila namatay sa military training.
Isa lamang itong desperadong galaw at ginagamit lang ang pagkamatay ng estudyante.
“That is a desperate move, exploiting the death of a non-ROTC student to stop ROTC. Ang layo naman ng connection noon…That is a very, very desperate, pathetic move,” pahayag ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa
Suportado naman ni Sen. Go na irevisit ang “Anti Hazing Law” upang hindi na maulit pa ang pagkasawi ng mga estudyante.
Ito ay para na rin mabigyan ng mas mabigat na parusa ang sinumang sangkot sa isang hazing incident.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni John Matthew Salilig.
Ito ay sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad at ng pamahalaan.
Patunay rito ang pagsuko ng ilang indibidwal na kasama sa hazing-incident at pagsalita ng iba pang biktima na nakasabay ni John Matthew Salilig noong initiation rites.
Samantala, ang pahayag na ito ni Sen. Go ay matapos pangunahan ang pagbubukas ng panibagong Malasakit Center.
Ito na ang ika-156 Malasakit Center na itinayo sa ospital ng lungsod ng San Jose del Monte Bulacan.
Layon ng Malasakit Center na matulungan ang mga mahihirap na pasyente na magkaroon ng access sa financial assistance mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa ika-limang taon ng programang pagpapatayo ng Malasakit Center sa iba’t ibang panig ng bansa, aabot na sa 7 milyong mga mahihirap at indigent na Pilipinong pasyente ang natulungan nito.