NAGSUMITE ang Office of the Ombudsman ng 2 graft cases laban kay dating Quezon City Mayor Herbert Bautista sa Sandiganbayan dahil sa 2 government projects noong 2019.
Dawit din sa kaso ang dating city administrator na si Alrin Cuña sa dalawang kaso na inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires.
Ang unang kaso ay ang paglalabas ng kabuoang bayad na P32.107-M sa isang IT firm para sa pagbili ng online occupation permitting ang tracking system at iba pa.
Lumagda umano si Bautista ng kontrata sa IT firm at inaprubahan ang paglalabas ng kabuoang pondo nang walang pahintulot ng Sangguniang Panglungsod.
Ang ikalawang graft case naman ay kinasasangkutan ng pagbabayad ni Bautista ng P25.342-M sa panibagong firm para sa pagkakabit ng solar power system at waterproofing works para sa isang civic center building.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Bautista laban sa mga nakasampang kaso laban sa kaniya.