30 resource persons, tetestigo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa Degamo Slay

30 resource persons, tetestigo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa Degamo Slay

TINIYAK ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magiging kaabang-abang ang  imbestigasyon sa Senado sa pagpaslang kay Negros Oriental Govenor Roel Degamo.

Ngayong 10 am ay gugulong na ang imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pagkapaslang sa gobernador.

Sa isang interview sinabi ni Dela Rosa, na 30 resource persons ang kanilang imbitado, na posibleng magsisiwalat sa mga nangyaring pagpaslang sa Negros Oriental.

Si Sen. Bato ang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na siyang nangunguna sa imbestigasyon.

Inaasahan na dadalo sa pagdinig ay ang maybahay ng nasawing gobernador na si Pamplona Mayor Janice Degamo, na una nang pumalag sa posibleng virtual presence sa prime suspect sa pagpatay na si Congressman Arnulfo Tevez, Jr.

Kinuwestyon ng mayora kung bakit payagang dumalo online sa pagdinig si Tevez, na kung sila nga ay isinusugal ang kanilang seguridad sa pagpunta sa Senado.

Sa kabila nito, nilinaw ni Dela Rosa na pag-uusapan pa lamang ng kaniyang mga kasamahang senador sa komite kung padadaluhin nga si Tevez online.

Matatandaan na una nang napababalita na si Tevez ay posibleng nasa bansang Cambodia.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter