NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. nitong Huwebes, Abril 27, 2023, ang isang executive order na lilikha ng Water Resources Management Office (WRMO) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Layon ng EO na i-integrate at i-harmonize ang mga pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak ang availability at sustainable management ng water resources sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 22, ang WRMO ay inatasang siguraduhin ang agarang pagpapatupad ng Integrated Water Resources Management alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals at bumalangkas ng kaukulang Integrated Water Resources Master Plan (IWMP).
Ang EO ay nilikha upang tugunan ang mga hamon na nakaaapekto sa pamamahala ng yamang tubig sa bansa.
Ito’y lalo na sa pagtaas ng pangangailangan para sa tubig bunsod ng population at economic growth, mga epekto ng climate change, pandemya at ang kakulangan ng sapat na imprastraktura na humahantong sa hindi pantay na pamamahagi ng water resources at iba pa.
Inaatasan din ng EO ang WRMO na bantayan sa tulong ng Presidential Legislative Liaison Office ang pagpasa sa panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Water o Regulatory Commission kaugnay sa tubig.
Naatasan din ito na isama sa IWMP ang iba’t ibang plano ng mga ahensiya, na kinabibilangan ng Philippine Development Plan, Philippine Water Supply and Sanitation Master Plan, at National Water Resources Board Security Master Plan.
Binigyan din ng direktiba ang WRMO na bumuo at magpanatili ng credible at timely water & sanitation data upang makatulong sa
evidence-based policy-making, regulations, planning, at implementation.
Ang WRMO ay pamumunuan ng isang undersecretary na itatalaga ng Pangulo sa rekomendasyon ng DENR secretary.
Matatandaang binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan ng Pilipinas na pahusayin ang pamamahala sa mga yamang tubig habang naghahanda ang bansa para sa epekto ng El Niño.