MAINIT na tinanggap nina US President Joseph Biden at First Lady Jill Biden sina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa pagdating nila sa White House sa Washington, D.C.
Pinagtibay nina Pangulong Marcos at U.S. President Biden ang serye ng mga pakikipagtulungan na naglalayong palakasin ang alyansa ng Manila at Washington.
Sa isang joint statement, pinuri nina Pangulong Marcos at President Biden ang kahanga-hangang ugnayan ng dalawang bansa na nagsisilbing matibay na pundasyon ng pakikipag-alyansa.
Nakasaad pa sa joint statement na mananatiling malapit na magka-alyado ang Estados Unidos at Pilipinas partikular sa mga pagsisikap na itaguyod ang inklusibo at broad-based prosperity, pamuhunan sa clean energy transition, paglaban kontra climate change, pagtaguyod ng pandaigdigang kapayapaan at katatagan, pagtiyak ng paggalang sa mga karapatang pantao at tuntunin ng batas.
EDCA, WPS, Ukraine war at Taiwan issues, natalakay nina PBBM at U.S. Pres. Biden
Ikinatuwa nina Marcos at Biden ang pagtukoy ng mga bagong site sa ilalim ng US-Philippines Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Binigyang-diin naman ng dalawang lider ang kanilang hindi natitinag na pangako sa kalayaan sa paglalayag at overflight sa South China Sea, gayundin ang kahalagahan ng paggalang sa mga karapatan ng soberanya ng mga estado sa loob ng kanilang exclusive economic zones na naaayon sa international law.
Pinagtibay rin nina Marcos at Biden ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa buong Taiwan Strait, na inilarawan nila bilang isang kailangan na elemento ng pandaigdigang seguridad at kaunlaran.
Pareho namang ipinarating ng dalawang lider ang kanilang suporta para sa Ukraine sa soberanya, kalayaan, at integridad ng teritoryo nito sa loob ng kinikilalang internasyonal na mga hangganan nito.
Biden, magpapadala ng presidential trade and investment mission sa Pilipinas
Inanunsiyo ni Biden ang pagpapadala ng isang presidential trade and investment mission sa Pilipinas.
Ito ay upang mapahusay ang mga pamumuhunan ng mga kompanyang Amerikano sa innovation economy, clean energy transition, critical minerals sector at food security.
Bukod dito, magtutulungan ang Pilipinas at ang U.S. sa 2024 Indo-Pacific Business Forum, na inilarawan bilang Marquee Commercial Event ng U.S. sa rehiyon.
Ito’y gaganapin sa Maynila upang higit pang itatag ang Pilipinas bilang isang pangunahing hub para sa mga regional supply chains at high-quality investment.
Security, environment protection, trade ties at rule of law, kabilang sa natalakay nina PBBM at U.S. Pres. Biden
Nagpasya ang Pilipinas at U.S. na palawakin ang kooperasyon sa environmental protection, kabilang ang enhanced domain awareness, marine conservation, at pagprotekta sa coastal areas mula sa pagkasira ng kapaligiran.
Nabanggit naman nina Marcos at Biden ang pangangailangang palakasin ang democratic institutions, rule of law, at paggalang sa mga karapatang pantao kabilang ang freedom of expression, press, at association.
Binigyang-diin pa ng dalawang pinuno ang kahalagahan ng pagkontra sa anumang uri ng karahasan, tulad ng laban sa civil society, kababaihan, bata, at marginalized groups.
PBBM, nakipagpulong sa USDA secretary; ministerial team na tututok sa food efficiency, itatatag
Samantala, bukod sa bilateral meeting kay U.S. President Biden, ay nakipagpulong din si Pangulong Marcos kasama ang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Thomas Vilsack ng Estados Unidos.
Kabilang sa naroon sa meeting si U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson at iba pang U.S. agriculture officials.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos kay Vilsack ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura lalo na sa usapin ng food security.
Napagkasunduan din ng parehong bansa na magtatag ng isang ministerial team sa kooperasyong pang-agrikultura na tututok sa food efficiency.
Magiging prayoridad ng partnership ang agricultural research & development upang higit pang madagdagan ang access sa abot-kaya at masustansiyang pagkain para sa bawat Pilipino.
Sa kaparehong araw, ay nakipag-meeting din si Pangulong Marcos sa executives ng Nuscale Power Corporation.
Sinaksihan din ni Pangulong Marcos ang signing ceremony ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng
Integrated Micro-Electronics, Inc. ng Ayala Corporation at ng Zero Motorcycles na naka-base sa California, USA.
Bukod dito ay nakipagkita rin si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Estados Unidos.