SINABI ng Department of Tourism (DOT) na dapat na sumasalamin ang bagong tourism slogan ng Pilipinas sa bago nitong official brand na “We Give The World Our Best.”
Ayon kay Tourism Undersecretary for legal and Special Concerns Mae Elaine Bathan, kahit na wala pang opisyal na slogan ang Pilipinas ay umaasa sila na mailalabas na ito ng DOT sa Hunyo.
Iginiit ni Bathan na ang bagong official brand ng bansa na pinamumunuan ng Office of the Presidential Adviser on Creative Communications (OPACC) ay pahayag ng katotohanan patungkol sa bansa.
Ang kasalukuyan at matagal nang signature campaign ng DOT na “It’s More Fun in the Philippines” ay nagsimula sa administrasyon ni Dating Pangulong Noynoy Aquino na inilunsad noong 2012.
Matatandaan na inaprubahan na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang 5-year plan ng DOT upang mabigyan ang Pilipinas ng pagkakataong maging tourism powerhouse.