DBM, suportado ang panawagang humanap ng solusyon para sa rehabilitasyon ng nasunog na MCPO

DBM, suportado ang panawagang humanap ng solusyon para sa rehabilitasyon ng nasunog na MCPO

SUPORTADO ng Department of Budget and Management (DBM) ang panawagan ng ilang mambabatas na humanap ng paraan at solusyon para pondohan ang mga kinakailangang trabahuin para maibalik ang dating ganda ng Manila Central Post Office (MCPO) Building.

Una rito, umapela si Deputy Speaker Ralph Recto na maging maagap ang gobyerno sa rehabilitasyon at restoration ng nasunog na gusali ng National Post Office.

Binigyang-diin naman ng DBM, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman, ang pagtataguyod ng ahensiya para sa pangangalaga at promosyon ng sining, kultura at kasaysayan ng bansa.

Tiniyak ng Budget Department na gagawin ng ahensiya ang lahat ng kinakailangang hakbang upang palawigin ang suporta at kooperasyon para sa mabilis na pagpapanumbalik o rehabilitasyon ng MCPO.

Ayon sa DBM, isang nakalulungkot na insidente ang sunog na tumupok sa MCPO building.

Ito’y dahil ang naturang gusali ay isang dominant landmark sa lungsod ng Maynila.

Isa rin sa mga huling natitirang neoclassical buildings sa bansa ang MCPO building at idineklarang Important Cultural Property (ICP) ng National Museum.

Ang gusaling ito, na pinasinayaan noong 1927, ay idinisenyo ng mga nangungunang Filipino architects na sina Tomas Mapua at Juan Arellano.

Kaya naman, ipinangako ng DBM na mahigpit na makikipag-ugnayan at makipagtulungan sa Philippine Postal Corporation at iba pang kinauukulang mga ahensiya.

Ito ay upang makinig sa kanilang mga plano, matukoy ang lawak ng pinsala, at masuri ang kanilang agarang pangangailangan sa pagpopondo.

Ang hakbang ay alinsunod sa probisyon na nakasaad sa National Cultural Heritage Act of 2009 (Republic Act 10066) na sa panahon ng armed conflict, natural disasters at iba pang pambihirang kaganapan na nagsasapanganib sa cultural heritage ng bansa, lahat ng cultural properties na idineklara bilang mahalagang cultural property ay maaari ding tumanggap ng pondo ng gobyerno para sa proteksiyon, conservation at restoration nito.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), anito, labis na nakalulungkot ang insidente ng sunog na sumira sa makasaysayang Manila Central Post Office Building.

Ang NHCP, sa pakikipagtulungan sa  local at national agencies, ay nagpahayag ng kanilang pangako na tulungan ang Philippine Postal Corporation (PHLPost), sa anumang paraan, upang mai-rehabilitate ang nasirang gusali.

Samantala, sa inisyal na tala, umabot sa P300-M ang halaga ng pinsala ng nasunog na MCPO, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna.

“Major damage,” sabi ng alkalde, ang naging pinsala ng post office matapos itong masunog ng 8 oras.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter