ITINAKDA sa Hunyo 27, 2023 ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapalaya sa 500 na mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs) sa mga detention facilities sa buong bansa.
Ayon kay BuCor director general Gregorio Pio P. Catapang, Jr. inaasahan pa itong madaragdagan hanggang 700 na PDLs kapag ma-finalize na sa opisina ng presidente.
Aniya, sinisikap nilang maabot ang executive clemency kabilang dito ang mga matatandang PDL at may mga karamdaman.
Dagdag pa ni Catapang, nakatakdang ipatupad ng ahensiya ngayong linggo ang “Oplan Bilis Laya” na naglalayong pabilisin ang proseso ng pagpapalaya sa mga nagsilbi sa kanilang sentensiya, mga nabigyan ng parol at mga naabsuwelto sa mga kasong kriminal.
Kapag natanggap ng BuCor ang utos ng korte ay sisikapin anilang isang araw na ang proseso para mailabas ang PDLs at para na rin ma-decongest ang mga piitan.