Sen. Villanueva: Sa patuloy na pag-unlad ng bansa, MSMEs huwag kalimutan

Sen. Villanueva: Sa patuloy na pag-unlad ng bansa, MSMEs huwag kalimutan

MULING itinutulak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) para mapalakas ang kanilang pakikipagkumpetensiya at manatiling backbone ng ekonomiya ng bansa.

“Marami po sa ating MSMEs ang may abilidad pero walang access sa mas malaking puhunan para mapalago ito,” pahayag ni Villaneuva kasabay ng pagdiriwang ng National MSMEs Week.

“Anuman pong ayuda sa MSMEs, ay may potensyal na magdala ng doble o higit pang benepisyo para sa ating ekonomiya,” dagdag niya.

Nauna nang inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 138 o MSME Stimulus Act na magbubuo ng isang programa para magpaabot ng tulong at palakasin at padaliin ang paglaki at paglago ng mga MSMEs para magkaroon pa ng mas maraming trabaho sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Layunin ng panukalang bumuo ng isang stimulus contingency fund na maaaring gamitin para sa mga job-generating industry na naapektuhan ng sakuna, public health emergencies, armed conflict at iba pang kaugnay na mga pangyayari.

Minamandato rin ng panukala ang Department of Finance sa pamamagitan ng Social Security System na magbigay ng wage subsidies para mapunan ang lahat o bahagi ng sahod ng kuwalipikadong MSMEs na naapektuhan ng emergencies, basta’t sumunod sila sa mga kondisyon na nasa batas.

Dahil sa mga aral ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Villanueva na dapat maging maagap ang gobyerno sa pagtulong sa MSMEs para maging matibay at disaster-proof sila sa panahon ng krisis.

Bagama’t mahigit 99.5% ng lahat ng negosyo sa bansa ang mga MSMEs at nagbibigay ng 64.67% na trabaho sa ating mga manggagawa, iginiit ng senador na kulang pa rin ang suporta ng gobyerno sa MSMEs.

Sa report ng Asian Development Bank, $23 bilyon lang ang binigay na suporta ng pamahalaan para sa MSMEs, malayo sa $78 bilyon na ibinigay ng gobyerno ng Vietnam sa kanilang MSMEs.

Maliban sa MSME Stimulus Act, naghain din si Villanueva ng iba pang mga panukala na magbibigay suporta para sa MSMEs tulad ng Simplified Procedures and Provision for Tax Relief to Micro Enterprises at Strengthening Access to Credit of Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs). Si Villanueva ay co-sponsor at co-author din ng Institutionalization of the Shared Service Facilities Project for MSMEs.

Habang tumataas ang employment figures sa bansa, sinabi ng majority leader na marami pang kailangang gawin para umunlad ang MSME sector.

“We often refer to MSMEs as the lifeblood of the economy, but we must not forget they need a lifeline, too, to survive and grow,” sabi pa ni Villanueva.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter