Akusasyon ng isang transport group, pinabulaanan ng DOTr

Akusasyon ng isang transport group, pinabulaanan ng DOTr

HINAMON ng Department of Transportation (DOTr) ang grupong Manibela na patunayan ang mga akusasyon nito laban sa ahensiya.

Kasunod ito ng pahayag ng grupo na bigo ang ahensiya na tugunan ang iba’t ibang problema ng drivers at operators ng public utility vehicles (PUV).

Kasabay nito ang bantang pagsasagawa ng transport strike sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa pahayag ng DOTr, hinamon nito ang grupo na magpalabas ng ebidensiya sa mga akusasyon nito sa ahensiya.

Dagdag pa ng ahensiya, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office of Transportation Cooperatives ay tuluy-tuloy ang kanilang konsultasyon sa mga PUV driver at operators sa concern ng mga ito tulad ng local public transport route plan (LPTRP).

Pero malinaw pa rin na nais lang ng grupong Manibela na makakuha ng simpatiya ng publiko at ang atensiyon ng media at hindi talaga ang layong maiparating ang problema ng kanilang hanay.

Dahil dito, binigyang-diin ng DOTr na hindi maho-hostage ng grupo ang ahensiya at hindi nito maba-blackmail ang buong bansa at ang mga inosenteng commuter para lang makuha ang kanilang gusto.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter