Revised K to 10 curriculum, patitibayin ang pundasyon sa kaalaman ng mga kabataan—Sen. Gatchalian

Revised K to 10 curriculum, patitibayin ang pundasyon sa kaalaman ng mga kabataan—Sen. Gatchalian

KASUNOD ng paglulunsad ng revised K to 10 curriculum, inaasahan ni Senator Win Gatchalian ang pag-angat sa kakayahan o performance ng mga mag-aaral, lalo na pagdating sa foundational skills tulad ng literacy at numeracy.

Matatandaang batay sa pagrepaso ng K to 12 curriculum, lumalabas na naging hadlang sa pagkatuto ng mga mag-aaral ang dami ng kailangan nilang pag-aralan.

Ayon sa Department of Education (DepEd), maglalaan na ngayon ng mas maraming oras sa pagtuturo ng mathematics, science, pagbasa, at values formation.

“Ngayong inilunsad na ang bagong curriculum para sa mga mag-aaral ng K to 10, may pagkakataon tayong patatagin ang pundasyon ng kaalaman ng mga kabataan, lalo na pagdating sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang. Mahalagang hakbang ito upang matiyak na maihahatid natin sa bawat mag-aaral ang dekalidad na edukasyon,” saad ni Sen. Win Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Bagama’t inaasahan ang pagpapatupad ng bagong curriculum sa School Year 2024-2025, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng sapat na paghahanda at pagsasanay para sa mga guro.

“Bagama’t propesyonal ang ating mga guro, kailangan natin silang bigyan ng sapat na panahon para sa pagsasanay nila sa bagong curriculum. Kailangan ng ating mga guro na maging pamilyar dito at paghandaan ang pagtuturo nito,”  dagdag ni Gatchalian.

Nanindigan din si Gatchalian na ipagpapatuloy ng Senado ang pagsusuri sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533), lalo na’t nananatili ang mga hamong kailangang tugunan.

Kabilang sa mga hamong ito ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Ayon kay Gatchalian, malapit nang magbigay ng rekomendasyon ang komite ukol sa pagpapatupad ng MTB-MLE.

Kasalukuyan ding nirerepaso ng DepEd ang senior high school program. Ang kagawaran ay bumuo ng task force na nakatakdang magbigay ng kanilang rekomendasyon sa Mayo 2024.

Upang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng senior high school, inihain ni Gatchalian ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na layong solusyonan ang mismatch sa pagitan ng mga senior high school graduates at pangangailangan ng mga industriya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble