NEGATIBO sa isinagawang random at mandatory drug test ang 89 na senior officials ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna mismo ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr.
Ito ang kinumpirma ni PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo sa panayam ng media sa Kampo Krame.
Sa pinakahuling datos ng PNP, nitong Agosto 30, 2023, umabot na sa 116-K ang sumailalim sa random at mandatory drug test na pinangunahan ng PNP forensic group.
“As of August 30 ‘yun pa rin ‘yung ating figures nearly 116,000 na ‘yung mga random and mandatory drug tests ng kinonduct ng Forensic Group. Siyempre hindi pa kasama ‘yung Sept. 1 to date kasama na rin ‘yung ginagawang drug test sa mga PNP leadership ‘nung Friday, at masaya tayong maibalita na ‘yung 89 na PNP senior officers na pinangunahan ng ating Chief PNP ay negatibo sa ginawang random drug test,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, Acting Chief, PNP-PIO.
Matatandaang sa mga unang buwan pa lang ni PNP chief Acorda, mariin na nitong binalaan ang lahat ng miyembro ng PNP na huwag pumasok sa mga ilegal na aktibidad gaya ng droga sa ilalim ng pinalakas nitong internal cleansing policy.
“Ito ‘yung laging sinasabi ng opisyal sa mga ini-implement natin programs particularly 1 of his 5 focused agenda ‘yung Integrity Enhancement Program ay talagang siya mismo ay nanguna dito sa pagpapa-drug test para sabihin lamang ‘yung target natin ‘yung mga NCOs ay maging sina Chief PNP, mga senior officers ay dumaan sa parehong proseso para iparamdam sa ating mamamayan na seryoso ‘yung PNP sa paglilinis sa ating hanay,” dagdag ni PCol. Jean Fajardo.
Mula sa kabuoang bilang na sumalang sa drug test, nananatiling nasa 25 ang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
8 pulis na nagpositibo sa random drug test, tinanggal na ng PNP
Walo rito ay tuluyan nang tinanggal sa serbisyo habang ang iba naman ay kasalukuyang sumasailalim sa summary hearing proceedings.
Nilinaw ng PNP na magiging patas ang kanilang pagsusuri sa mga ebidensiya at dadgag na impormasyon sa pagkakasangkot ng mga pulis sa isyu ng ilegal na droga hanggang sa pagsibak nang tuluyan sa organisasyon.